SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
DALAWANG beses ipinanood ang trailer ng 2nd Miracle in Cell No 7 sa Grand Mediacon nito kahapon na isinagawa sa Greyhound Cafe, Ayala Triangle Gardens at pareho ang naging reaksiyon ng mga nakapanood nito. Naiyak, naluha.
Bago ang mediacon ipinalabas muna ang trailer ng pelikulang pinagbibidahan nina Aga Muhlach, Xia Vigor, at Jodi Sta Maria at iisa ang naging reaksiyon at nasabi ng mga nakapanood. Naluha at nasabing tulad din ng naunang Miracle in Cell No 7 na ipinalabas noong 2019, nakaiiyak.
At bago magtapos ang press conference muling ipinakita ang trailer ng pelikula at kitang-kita namin ang pagpupunas ng luha ni JC Santos. Samantalang naiyak talaga si Nanding Josef. Ang iba nama’y umiiling at gandang-ganda.
Kaya sa panonood ng 2nd Miracle in Cell No 7 simula December 25, 2026 asahan na ang mga makabagbag damdaming tagpo at ‘wag kalimutang magdala ng mga pamunas ng luha.
Sa December 25, 2026 saksihan ang simula ng isang panibagong himala sa kauna-unahang pagsasama nina Aga at Jodi sa big screen sa 2nd Miracle in Cell No. 7, ang pinakahihintay na handog ng Viva Films at Next by PhilStar Media Group para sa 52nd Metro Manila Film Festival. Mula sa tagumpay ng Philippine adaptation ng Korean drama na Miracle in Cell No. 7, nagbabalik ang kuwento sa pangunguna ng dalawa sa pinakamalalaking pangalan sa industriya. Muling bibida si Aga bilang si Lito, habang si Jodi ay gaganap bilang Angela, asawa ni Lito at ina ni Yesha.
Magbabalik din ang ilang pamilyar na mukha mula sa unang pelikula, kabilang si Xia bilang Yesha, kasama ang mga batikang aktor na sina Joel Torre, JC, Mon Confiado, Jojit Lorenzo, at Soliman Cruz, na muling gaganap bilang mga kapwa preso ni Lito.
Ang 2nd Miracle in Cell No. 7 ay muling ididirehe ni Nuel Crisostomo Naval at sa panulat ni Mel Mendoza-Del Rosario. Sila rin ang nasa likod ng 2019 remake, isang phenomenal hit na naging top grosser sa MMFF at kumita ng mahigit P540-M sa takilya.
Pagkatapos ng pitong taon, muli nating matutunghayan ang kuwento ni Lito, mula sa mga pangyayaring naganap bago ang unang pelikula hanggang sa ilang kaganapan pagkatapos.
Sa pagkakataong ito, masisilayan ang buhay at pamilyang binuo ni Lito bago siya nakulong. Pinalaki ng kanyang mapagmahal na tiyuhin sa probinsiya, lilipat si Lito sa Maynila at makikilala niya si Angela, isang mabait na public school teacher na makikita ang kabutihang taglay ni Lito sa kabila ng kanyang mga limitasyon.
Hindi nagtagal ay mauuwi sa pag-iibigan ang kanilang relasyon, hanggang sa bubuo sila ng sariling pamilya at isisilang ang kanilang anak na si Yesha.
Ngunit masusubok ang kanilang pagsasama dahil sa pagtutol ng mga mayamang magulang ni Angela. Kukuwestiyonin nila ang kakayahan ni Lito na palakihin ang anak at kukunin ang kustodiya ni Yesha. Sa kabila ng kawalan ng kayamanan at kapangyarihan, gagawin ni Lito ang lahat upang ipaglaban ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng kanyang paninindigan, pagmamahal, at katapatan.
Bukod sa kuwento nina Lito at Angela, matutunghayan din ang mga pagkakataong nag-krus ang landas ni Lito at ng mga taong makakasama niya sa kulungan. Sa pagbabalik ng mga tumatak na presong karakter, mabubuksan ang mga kuwento sa likod ng kanilang mga unang pagtatagpo bago sila nagsama-sama sa loob ng selda.
Samantala, si Yesha ay isa nang dalaga na gugunitain ang mga masasayang alaala at sandali na pinagsaluhan nila ng kanyang pinakamamahal na tatay.
Bukod sa mga nagbabalik na karakter, may mga bagong mukha ring ipakikilala na may malaking bahagi sa buhay ni Lito. Gagampanan ni Nanding Josef si Tiyo Noel, ang mapagmahal na tiyuhin na nagpalaki kay Lito at tumayong ama nito, habang si Jansen Magpusao naman si Toto, ang madiskarte at tapat na kaibigan ni Lito na palaging handang umalalay at magprotekta sa kanya.
Kukompleto sa cast sina Irma Adlawan, Ricardo Cepeda, Mercedes Cabral, TJ Valderrama, Rubi Rubi, Lui Manansala, Rob Gomez, at Serena Eerland, na may kanya-kanyang mahalagang papel sa pagkompleto ng kuwento ni Lito.
Sa isang pag-ibig na nabuo sa kabila ng mga pagsubok, mahalaga ang pagpili sa gaganap bilang Angela. Sa cast announcement ay ibinunyag ni Aga na personal niyang pinili si Jodi para sa karakter.
Ayon kay Aga, si Jodi talaga ang gusto niyang gumanap na Angela dahil naniniwala siyang walang ibang makapagbibigay ng puso at sensiridad sa role maliban sa aktres.
Para naman kay Jodi, ikinagulat at ikinatuwa niya nang malaman na siya ang nasa isip ni Aga para sa role. Lubos ang pasasalamat niya sa pagkakataong ito at sa tiwala na ibinigay sa kanya ni Aga at ng Viva.
Taglay ang isang mahusay na cast at makubuluhang mensahe tungkol sa pamilya, handa na ang 2nd Miracle in Cell No. 7 na muling maghatid ng nakaaantig na kuwentong puno ng pagmamahal, luha, at saya kagaya ng unang pelikula na nag-iwan ng marka sa puso ng marami.
Isang panibagong himala ang naghihintay ngayong Pasko. Panoorin ang 2nd Miracle in Cell No. 7 sa December 25 sa mga sinehan sa buong bansa.
