SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
HINDI talaga nauubusan ng energy si Mr. Pure Energy Gary Valenciano.
Sa Sabado, November 28, mga taga-Bacolod naman ang makakasaksi sa husay at kakaibang energy ni Gary V sa kanyang inspirational concert na Inspired sa University of Saint La Salle Coliseum, 7:30 p.m..
Matapos libutin ang North America, Australia, at New Zealand, at magtanghal sa Nueva Ecija at Baguio, dadalhin naman ni Gary sa City of Smiles ang kanyang matagumpay na concert.
Asahan na ang mga hataw na dance numbers, paboritong love songs, inspirational hits, at mga kuwentong tiyak aantig sa puso ng manonood.
Higit pa sa isang concert, selebrasyon din ang Inspired ng buhay, pag-ibig, pamilya, pananampalataya, at pag-asa.
Napakaabala nga ni Gary nitong mga nakaraang buwan.
Noong October ay nagbalik siya sa Music Museum para sa kanyang Back At The Museum concert series na umabot sa 10 matagumpay na shows. Sa kabuuan, nakapagtanghal na si Gary ng 114 solo concerts sa naturang venue.
Kamakailan ay pinarangalan din siya ng Philippine Association of the Record Industry (PARI) sa Awit Awards ng Dangal ng Musikang Pilipino – Best Concert Artist of the Year Award.
Kasunod ito ng kanyang natanggap na SUDI National Music Award mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa Best in Creative Performances.
Bukod sa kanyang mga concert, patuloy ding umaarangkada ang weekly inspirational podcast niyang Unshaken with Gary V.
May 26 episodes na ang podcast na kinatampukan nina Coco Martin, Julia Montes, Toni Gonzaga, James Reid, Michael V, Gloc-9, Ogie Alcasid, Congressman Chel Diokno, Senator Kiko Pangilinan, mga anak niyang sina Paolo, Gabriel, at Kiana, at maging si President Ferdinand Marcos Jr., among others.
Hindi lang basta celebrity interviews ang hatid ng Unshaken.
Dito ay mas nakikilala ng publiko ang mga personalidad sa likod ng kanilang kasikatan sa pamamagitan ng mga personal na kuwento tungkol sa kanilang mga pinagdaanan, pagsubok, pananampalataya, at kung paano sila muling bumangon sa buhay.
Patuloy din si Gary sa kanyang adbokasiyang Face2Face, na layuning matulungan at mabigyan ng pag-asa ang mga kabataang Pinoy na dumaraan sa mental health at emotional struggles.
Umabot na sa 75 schools nationwide ang naturang programa. Kabilang sa mga susunod nitong aktibidad ang pagbisita sa STI West Negros University sa November 26 at sa University of Saint La Salle sa November 27.
Nagtanghal din si Gary sa dalawang prestihiyosong ASEAN events — ang ASEAN Business Awards and Partnerships Gala noong November 15 at ang ASEAN Business Investments Summit noong November 17.
Bahagi ng kanyang mga pagtatanghal ang Love In Any Language at ang finale number na Together In Motion, kasama sina Julie Anne San Jose at SB19.
Muling umantig sa puso ng mga overseas Filipino at kanilang mga pamilya ang kanyang classic hit na Babalik Ka Rin, na naging sentro ng 2026 Between Here And Home campaign ng Sendwave.
May bago rin siyang product endorsement para sa Del Monte Philippines.
Sa kabila ng ilang dekada niya sa industriya, at kasabay ng pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng kanyang management company, wala pa ring kupas ang husay, energy, at dedikasyon ni Gary sa pagbibigay-saya at inspirasyon sa mga Filipino.
At ngayong Sabado, mga taga-Bacolod naman ang makakasama niya.
Makakasama ni Gary sa Inspired ang Manoeuvres Ignite, Elke Saison Ortiz, at Alyssa Quijano, with Mon Faustino as musical director.
Ang Kalipay Negrense Foundation, isang non-government organization na tumutulong sa pagsagip, rehabilitasyon, at muling pagsasama sa komunidad ng mga batang nangangailangan, ang nagdadala ng naturang concert sa Bacolod.
May mabibili pang tickets sa SM North Wing, katabi ng Krispy Kreme. Maaari ring makipag-ugnayan kay Earl sa 09952422382.
