Charina Carmen umatras sa Stars Reignited concert; magdedemanda

Charina Carmen

NAGHAHANDA na para sa pormal na pagsasampa ng kaso ang aktres, performer, at  beauty queen na si Charina Carmen laban sa isang kinatawan ng organizer ng Stars Reignited Concert.

Sa tulong ng kanyang abogado na si Atty. Clarie Tamondong, inaasahang maisasampa ang kaso anumang oras habang isinasagawa na ng kampo ni Charina ang mga kinakailangang legal na hakbang kasunod ng umano’y hindi patas na pagtrato sa kanya kaugnay ng nasabing event.

Opisyal nang nagdesisyon si Charina na umatras sa kanyang nakatakdang guest appearance mamayang gabi, November 28, para sa Stars Reignited Concertmatapos madesmaya sa umano’y kawalan ng professionalism at hindi pagtupad ng mga organizer sa mga nauna nilang napagkasunduan.

Isa sa ikinadesmaya ni Charina ay ang hindi pagkakasama ng kanyang pangalan sa official billing at publicity materials ng concert, sa kabila ng nauna nang pag-uusap at kasunduan tungkol sa kanyang partisipasyon sa event.

Hindi rin nakapagtimpi ang manager niyang si Richard Hinola na nagpahayag ng matinding pagkadesmaya sa umano’y naging pagtrato ng mga organizer sa kanyang talent.

Ani Hinola, “I really hate people who don’t keep their word. Sa industriyang ito, mahalagang marunong kang tumupad sa iyong salita kung gusto mong magkaroon ng pangmatagalang professional relationships. 

“Hindi patas ang naging pagtrato ninyo sa alaga ko. Kinuha ninyo siya para maging bahagi ng event at pinagbenta pa ng tickets, na nangangailangan ng dagdag na effort sa kanyang panig. 

“Bayad na rin ang halagang

P30,000. Pero sa kabila nito, hindi ninyo isinama ang pangalan niya sa thematic campaign, final poster, billboard, tarpaulin, at iba pang publicity materials.

“At ngayon, sasabihin ninyo sa kanya na um-attend sa event nang hindi man lang ako sinasabihan? Anong klaseng professionalism ’yan?”

Dahil sa insidenteng ito, nagpasya ang kampo ni Charina Carmen na humingi ng legal assistance kay Atty. Tamondong para maisagawa ang nararapat na legal remedies laban sa kinatawan ng concert organizer na kanilang nakausap at nakipag-ugnayan tungkol sa partisipasyon ni Charina.

Ayon sa kanyang team, kasalukuyan nang inaasikaso ang mga kinakailangang legal documents at paghahanda, at anumang oras ay inaasahang maisasampa na ang kaso.

Para sa kampo ni Charina, hindi lamang simpleng paglalagay ng pangalan sa isang poster ang isyu. 

Mas malalim ang usapin dahil tungkol ito sa pagtupad sa mga napagkasunduan, pagbibigay ng nararapat na pagkilala sa isang artista, pagiging transparent, at paggalang sa mga professional commitment.

Bukas ang HATAW sa magiging pahayag at eksplanasyon ng organizers ng event hinggil sa nasabing isyu.

Samantala, sa kabila ng kontrobersiyang kinakaharap, nananatiling nakatuon si Charina sa kanyang mga nalalapit na proyekto at patuloy na naghahanap ng mga bagong oportunidad sa industriya ng entertainment.

Kasalukuyan naghahanda si Charina Carmen para sa paglulunsad ng sariling album sa susunod na buwan sa ilalim ng H Music, na siya ring katuwang niya sa pagpo-produce ng naturang proyekto.

Nauna nang inilabas ang kanyang single na Carry On, na maaari nang mapakinggan sa Spotify, Apple Music, at iba pang digital streaming platforms sa buong mundo.

Bukod sa kanyang music career, aktibo rin si Charina sa online entertainment bilang isa sa mga host ng Queentuhan, isang online talk show na pinangungunahan niya kasama ang kapwa beauty queen na si Scarlet Chua. 

Sa pamamagitan ng programa, mas naipakikita ni Charina ang kanyang personalidad, hosting skills, at kakayahang makipagkuwentuhan tungkol sa iba’t ibang paksa.

Mapapanood din ang Palawan-born artist sa nalalapit na pelikulang Titulada, isang advocacy film na kabilang siya sa mga pangunahing artista.

Mayroong premiere ang pelikula ngayong Disyembre na idinirehe ni Kent Martin Dy, sa ilalim ng KMD Productions at RDH Entertainment, na pinamamahalaan ng kanyang manager.

Noong June 2026, kinilala rin si Charina sa 17th PMPC Star Awards na ginawaran ng titulong Breakthrough Female Singer and Actress.

Isa pa sa kanyang mga inaabangang proyekto ang pelikulang Coming Home, na gagampanan niya ang isang mahalagang papel kasama sina Mygz Molino at Jeric Gonzales. Ito’y sa direksiyon ni Buboy Tan.

Makakasama rin niya sa pelikula ang kaisa-isa niyang anak na si Gerard Josol, na sumusunod na rin sa yapak ng kanyang ina sa mundo ng pag-arte.