NAARESTO ng mga awtoridad ang isang lalaki na matagal nang nagtatago sa batas dahil sa mga kinakaharap na kaso ng mga kahalayan at panggagahasa sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. Matictic, Norzagaray, Bulacan.
Sa ulat ni PLt. Colonel Ismael C. Gauna, acting chief of police ng Norzagaray Municipal Police Station (MPS), kinilala ang akusado na si alyas Jun, 38 anyos, nakatala bilang no. 1 most wanted person sa municipal level, residente sa Brgy. Matictic, Norzagaray, Bulacan.
Isinilbi ang warrant of arrest ng tracker team ng mga operatiba ng Norzagaray MPS bandang 3:20 ng hapon sa bahay na pinagtataguan ng akusado sa naturang lugar.
Ang nasabing warrant of arrest ay may kaugnayan sa mga kasong Acts of Lasciviousness at Statutory Acts of Lasciviousness na inilabas noong 1 Hunyo 2026 ni Judge Sita Jose Clemente, presiding judge ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 16, Malolos City, Bulacan.
Matapos maisilbi ang warrant, ang akusado ay dinala sa Norzagaray MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon bago i-turnover sa hukuman na naglabas ng warrant.
Ayon kay Police Colonel Jay Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan PPO, patuloy nilang pinalalakas ang kanilang manhunt operations upang matiyak na ang lahat ng mga taong may kinahaharap na kaso ay mahaharap sa hukuman. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com