ni MICKA BAUTISTA
DALAWA pang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office na kapuwa akusado ng kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya sa mga kasong graft at malversation ay kasama na niya ngayon sa loob ng Bulacan Provincial Jail.
Sumuko sina Norberto De Leon Santos, 63 anyos, at Merj Haron Caparaz Laus sa mga awtoridad ng pulisya ng Bulacan.
Dinala ang dalawa sa loob ng detention facility ilang minuto matapos tanggapin si Discaya ni Warden ret. General Enrico Vargas, dakong 12:00 ng tanghali kamakalawa, 8 Hunyo.
Kasama ang walong iba pang akusado — sina Cezarah Rowena Discaya, asawa ni Curlee; Rowena Angeline Discaya-Rimando, Brice Ericson Hernandez, Jaypee De Leon Mendoza, Juanito Mendoza, Lorelyn Mutuc Simbulan, Ernesto Galang, at Lorenzo Pagtalunan, silang lahat ay sinampahan ng kasong
Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Malversation of Public Funds through falsification of public documents sa Branch 20 ng Bulacan Regional Trial Court (RTC) sa Lungsod ng Malolos.
Naglabas si Hukom Mirasol Ong Dychingco ng warrant of arrest laban sa mga akusado.
Sinabi ni Johnvic Remulla, Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), matapos pamunuan ang paglilipat kay Discaya mula sa pagkakakulong sa Senado patungo sa Bulacan Provincial Jail nitong Lunes, lahat ng siyam sa 11 akusado ay nasa kamay na ng batas maliban kina Ernesto Galang at Lorenzo Pagtalunan.
Ang mga kasong isinampa laban sa siyam na pribadong kontratista at mga opisyal ng DPWH sa Bulacan ay batay sa P53.9 milyong maanomalayang proyektong pagkontrol ng baha sa bayan ng Calumpit.
Si Hernandez at ang iba pa ay nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa iba pang mga kasong isinampa sa Sandiganbayan kaugnay ng mga nasabing iregularidad.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com