CITY OF CANDON — Opisyal nang nakapasok sa semifinal round ng Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup ang Kazakhstan at Vietnam matapos ang kani-kanilang dominanteng panalo noong Huwebes sa Candon City Arena.
Sa Pool B, pinanatili ng Kazakhstan ang perpektong kampanya nito sa apat na sunod na panalo matapos tambakan ang Lebanon, 25-11, 25-19, 25-14.
Hindi rin nagpahuli ang defending champion na Vietnam, na ipinagpatuloy ang walang bahid na kartada sa pamamagitan ng pagwawagi kontra Iran, 25-19, 25-20, 27-25.
Maghaharap ang Kazakhstan at Vietnam sa Biyernes para pag-agawan ang numero unong puwesto sa Pool B sa torneo na inihahandog ng Philippine Sports Commission at ng Lungsod ng Candon sa pamumuno ni Mayor Eric D. Singson.
Ang Indonesia, na may kartadang 2-2, ay nasa ikatlong puwesto ngunit wala nang tsansang makahabol sa semifinal race.
Para sa Lebanon, nagtala si Shantelle Marie Demirjian ng 13 puntos mula sa puro attacks, ngunit nanatili silang walang panalo sa apat na laro.
Sa panig ng Kazakhstan, nanguna si Ekaterina Mikhailova na may 14 puntos, habang nagdagdag si Dinara Razakberlina ng 10 puntos. Ang Kazakhstan ay nagtapos bilang ikalawa sa pool play noong nakaraang AVC Women’s Nations Cup bago nauwi sa ikaapat na puwesto sa kabuuan.
Patuloy namang namayagpag si Thi Thanh Thuy Tran para sa Vietnam matapos kumamada ng 21 puntos mula sa 19 attacks at dalawang blocks. Nag-ambag din si Thi Bich Thuy Tran ng 12 puntos mula sa siyam na attacks at tatlong blocks.
Sa kabilang banda, nalasap ng Iran ang ikatlong pagkatalo nito sa apat na laro. (AVC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com