Teodoro, Nafarrete mangunguna sa pagbubukas ng PUSO Games

AFP Antonio Nafarrete Gibo Teodoro PUSO Games

PANGUNGUNAHAN nina Defense Secretary Gilberto Teodoro at Armed Forces Chief Gen. Antonio G. Nafarrete ang mga atleta at opisyal sa pormal na pagbubukas ng kauna-unahang PSC-AFP Philippine Uniformed Services as One (PUSO) Games ngayong Sabado sa Rizal Memorial Stadium.

Makakasama nila ang mga pinuno ng apat na pangunahing sangay ng serbisyo, sina Philippine Army chief Lt. Gen. Donald M. Gumiran, Philippine Navy chief Vice Admiral Alan M. Javier, Philippine Air Force chief Lt. Gen. Arthur M. Cordura at Philippine National Police chief Gen. Jose Melencio C. Nartaez Jr.

Isang koronel sa PAF Reserve Command at lisensiyadong piloto si Teodoro, habang dating Scout Ranger naman ng Philippine Army si Nafarrete na sumailalim sa mahigpit na US Army Rangers Course noong 1995 sa Fort Benning, Georgia.

Inaasahan ding dadalo sa pambungad na seremonya si Philippine Coast Guard Commandant Adm. Rommel A. Supangan, kasama ang matataas na opisyal ng 13 iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Aabot sa 2,000 atleta ang maglalaban-laban para sa mga medalya sa 20 disiplina sa palaro na magtatapos sa Disyembre 1.

Kabilang sa mga ahensiyang lalahok ang Bureau of Corrections, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Bureau of Immigration, National Bureau of Investigation, Metropolitan Manila Development Authority, Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Customs, Philippine Military Academy at Anti-Terrorism Council.

Pag-aagawan ang mga medalya sa athletics, arnis, badminton, basketball, boxing, chess, cheer dance, golf, table tennis, judo, karate, softball, football, tug-of-war, obstacle course racing, swimming, sepak takraw, target shooting, taekwondo at volleyball.

Magsisimula sa ganap na alas-8 ng umaga ang programa na dadaluhan din ni Philippine Sports Commission Chairman Patrick Gregorio, na magbibigay ng pambungad na mensahe.

Malaki ang naging papel ni Gregorio sa muling pagbuhay sa paligsahang dating kilala bilang AFP Olympics.

“Malaki ang paghanga natin sa ating mga sundalong atleta at mga kasamahan nila sa iba pang uniformed services dahil sa kanilang dedikasyon, disiplina at pagsisikap. Bukod sa pagsasakripisyo ng kanilang buhay para sa bayan, nairerepresenta rin nila ang bansa sa mga pandaigdigang kompetisyon,” ani Gregorio.

Dagdag pa niya, magsisilbing entablado ang unang PUSO Games upang makapagtagisan ng galing ang mga atleta mula sa iba’t ibang serbisyo habang pinatitibay ang samahan at pagkakaisa sa pamamagitan ng palakaibigang kompetisyon.

Isa rin sa mga tampok na bahagi ng programa ang pagkilala kina Seaman boxer Carlo Paalam at Airman sepak takraw player Jason Huerte, na nag-uwi ng silver at bronze medal, ayon sa pagkakasunod, sa katatapos na 20th Aichi-Nagoya Asian Games.

Samantala, mangunguna naman sa panunumpa para sa patas na paglalaro si Army Cpl. Charly Suarez, three-time Southeast Asian Games gold medalist sa boxing. (PSC/HNT)