11 bansa, sasali sa Track Asia Cup sa Tagaytay

ACC Dato Amarjit Singh Gill POC PhilCycling Bambol Tolentino

MULING magiging sentro ng aksiyon sa Asian cycling ang Pilipinas sa pagdaraos ng ikatlo at huling yugto ng Track Asia Cup sa Tagaytay CT Velodrome sa Disyembre 1 hanggang 7.

Kinumpirma ni Philippine Olympic Committee (POC) at PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino na 11 bansa na ang nagpahayag ng paglahok sa kompetisyon, kabilang ang host country na Pilipinas at isang koponan mula South Africa.

Bukod sa pambansang koponan, sasabak din ang Standard Insurance Track Team, South Korea, Saudi Arabia, Uzbekistan, Malaysia, United Arab Emirates, Indonesia, Oman at India.

Ayon kay Tolentino, ikinararangal ng bansa na muling magamit sa isang malaking internasyonal na torneo ang Tagaytay CT Velodrome, na unang sumabak sa international hosting sa pamamagitan ng Asian Cycling Confederation Track Championships noong Marso.

Nagpasalamat din ang opisyal sa mga Asian cycling federation na tumugon sa kanilang paanyaya upang makilahok sa torneo.

Suportado ng Philippine Sports Commission at MVP Sports Foundation, ang Tagaytay leg ang magiging huling yugto ng serye matapos idaos ang unang karera sa Chennai, India noong Enero at ikalawa sa Suphan Buri, Thailand noong Agosto.

Kabilang sa mga event ang keirin, time trial, sprint, team sprint, individual pursuit, points race, scratch race at omnium para sa elite at junior categories ng kalalakihan at kababaihan.

Inaasahang dadalo rin sina Asian Cycling Confederation president Dato Amarjit Singh Gill at secretary-general Kozim Kozim Urinboykhujaev, kasama ang mga opisyal ng mga bansang kalahok. (POC/HNHT)