ni Gerry Baldo
IGINIIT ng kampo ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na hindi kailanman iniugnay ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ang dating House Speaker sa sinabing anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, walang binanggit si Bonoan laban kay Romualdez sa kanyang naunang mga pahayag, kabilang ang isinumite nito sa Independent Commission on Infrastructure.
Aniya, nakapagtatakang ngayon lamang umano idinadawit ang kongresista mahigit isang taon matapos pumutok ang isyu.
Sinabi ni Fajardo, si Bonoan ang may direktang partisipasyon sa mga proyekto at hindi dapat gawing state witness. Sa halip, dapat niyang isauli sa gobyerno ang P1 bilyong sinasabing kickback, batay sa alegasyon ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Muling iginiit ni Fajardo na walang naging papel si Romualdez sa pagpopondo at pagpapatupad ng flood control projects dahil nasa ilalim ito ng ehekutibong sangay.
Aniya, handa ang dating Speaker na harapin ang kahit anong kasong maaaring isampa laban sa kanya at naninindigang walang evidensiya na mag-uugnay sa kanya sa alegasyong anomalya.
Samantala,hinamon ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang administrasyon na patunayang patas ang kampanya nito laban sa kirupsiyon kasunod ng pahayag ng Office of the Ombudsman na lalo pang lumalakas ang kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nadagdagan ang mga testigo sa kaso, kabilang sina dating DPWH Secretary Manny Bonoan at ilang dating bodyguard ni dating Appropriations Committee Chairman Zaldy Co.
Aniya, nakatutulong ang kanilang mga testimonya sa pagpapatibay ng kaso, habang tinukoy rin umano si Romualdez bilang “mastermind” sa isinasagawang imbestigasyon.
Sinabi ni Tiangco na kung tunay na seryoso ang pamahalaan sa kampanya laban sa korupsiyon, dapat walang kahit sino ang ituring na untouchable at papanagutin ang sinumang nagplano, nakinabang o sangkot sa sinabing anomalya, anuman ang kanilang posisyon o kaugnayan sa administrasyon.
Iginiit ni Tiangco, dapat maibalik sa kaban ng bayan ang mga pondong ninakaw at pairalin ang pantay na pagpapatupad ng batas.
“Hindi pwedeng maliit na isda lang ang nakukulong at hindi makulong ang mastermind,” ani Tiangco.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com