TINIYAK ng embahada ng Filipinas na walang nadamay na Pinoy sa Venezuela sa magkasunod na 7.5 at 7.2 magnitude na lindol.
“As of this writing, no reports of injuries or casualties have been received from Filipino nationals in Venezuela,” pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA)
Base sa pinakahuling ulat, 32 katao ang kasalukuyang bilang ng nasawi habang 700 ang nasugatan.
Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa mga naulilang pamilya dahil sa nasabing lindol.
Ayon sa Pangulo, nakalulungkot ang naturang insidente. Sa ngalan aniya ng mga Filipino, nakikisimpatya ang Filipinas sa Venezuela.
Nabatid kay Analyn Ratonel, spokesperson ng DFA, tinatayang 74 Filipino ang nasa Venezuela, marami sa kanila ay religious missionaries.
Sinabi ng DFA na nakikipag-ugnayan ang Embahada sa mga naninirahang Filipino sa kabisera ng Venezuela sa Caracas at sa lungsod ng Barinas upang alamin ang kanilang kalagayan.
Pinayohan ng DFA ang mga Filipino na manatiling ligtas sa kanilang mga tahanan at subaybayan ang mga lokal na balita at mga abiso ng gobyerno para sa mga update sa sitwasyon.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com