Monday , June 29 2026
Sa Taguig City Pansamantalang silungan ng mga nasunugan giniba ng private demolition team
𝗣𝗔𝗡𝗚𝗔𝗥𝗔𝗣 𝗡𝗔 𝗠𝗔𝗞𝗔𝗕𝗔𝗡𝗚𝗢𝗡 MULA SA ABO, GUMUHO SA DEMOLITION TEAM. Sinisikap iligtas ng mga residente ang natitirang materyales matapos gibain ang mga itinayong bagong bahay ng mga pamilyang naapektohan ng sunog sa Taguig City. 𝐌𝐔𝐋𝐈𝐍𝐆 𝐈𝐓𝐈𝐍𝐀𝐘𝐎𝐍𝐆 𝐁𝐀𝐇𝐀𝐘 GINIBA. Isang residente ang nagbabaklas ng natitirang bahagi ng kanyang bahay matapos gibain ang bagong tayong estruktura ng mga pamilyang nasunugan sa Taguig City. (Mga larawan mula sa Urban Poor network ng Community Organizers Multiversity)

Sa Taguig City
Pansamantalang silungan ng mga nasunugan giniba ng private demolition team

MULING hinarap ng mga pamilyang nawalan ng tahanan nang tupukin ng matinding sunog noong nakaraang buwan sa Barangay Sta. Ana, Taguig City ang panibagong trahedya matapos gibain ng mga nagpakilalang demolition workers ang ilan sa kanilang pansamantalang tirahan at nagtayo ng barracks para sa mga pribadong security guard na pumasok sa lugar noong Huwebes.

Ayon kay Maricel Morales, pangulo ng Samahan ng Maralitang Nasa Baybayin ng Sta. Ana, Pulong Kendi II Neighborhood Association, Inc. (SAMANA), nabigla ang mga residente nang madatnan nilang nakagiba na ang hindi bababa sa tatlong pansamantalang silungan pagbalik nila sa kanilang komunidad.

“Pagdating namin, tatlong pansamantalang bahay na ang naigiba habang may mga pribadong guwardiya nang nakapuwesto sa loob ng aming komunidad,” ani Morales.

Sinabi ni Morales na hinarap ng mga opisyal ng SAMANA ang grupong pinamumunuan umano ni Pananggilan J.S. Gadisan, na nagpakilalang kinatawan ng RARC TIGER 1986 Security Agency.

Ayon kay Morales, sinabi umano ni Gadisan na ipinatutupad lamang nila ang utos ng isang sinabing nag-aangking may-ari ng lupa at mayroon silang fencing permit na inisyu ng Taguig City Land and Building Office.

Ngunit iginiit ni Morales na walang naipakitang demolition order o anumang utos mula sa korte ang grupo nang hingin ito ng mga lider ng komunidad.

Inihayag din niya na isinagawa ang demolisyon habang marami sa mga residenteng naapektohan ng sunog ay nasa Taguig City Hall upang kumuha ng pinansiyal na ayuda, kaya halos walang naiwan sa komunidad.

Aniya, nangyari ang insidente sa kabila ng napagkasunduan sa isinagawang Inter-Agency Meeting noong 25 Hunyo 2026 na panatilihin muna ang status quo habang nilulutas ang mga usaping legal at administratibo kaugnay ng pagmamay-ari ng lupang kinatitirikan ng komunidad.

Ang pulong ay ginanap sa tanggapan ng Chairperson ng House Committee on Housing and Urban Development sa pangunguna ni Atty. Christian Eco, hepe ng Urban Poor Affairs Office (UPAO).

Dumalo rito ang mga kinatawan mula sa Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Commission on Human Rights (CHR), DENR-NCR, Pamahalaang Lungsod ng Taguig, Barangay Sta. Ana, Community Organizers Multiversity (COM), ULAP Confederation, at SAMANA.

Kabilang sa mga napagkasunduan ang status quo (o pagpapanatili ng kasalukuyang kaayusan), pansamantalang suspensiyon sa fencing activities, pagbuo ng Local Inter-Agency Committee (LIAC), at pagpapatuloy ng dialogo habang tinutugunan ang mga reklamong inihain ng mga residente.

Ayon sa SAMANA, hindi dumalo sa naturang kasunduan ang sinasabing nag-aangking may-ari ng lupa, at ang ginawang demolisyon at pagpasok ng mga pribadong security personnel ay tila salungat sa status quo na napagkasunduan isang araw bago ang insidente.

Nanawagan ang samahan sa Kongreso at iba pang kaukulang ahensiya ng pamahalaan na magsagawa ng imbestigasyon sa iniulat na demolisyon, pananakot at pangha-harass sa mga residente, pagpasok ng mga pribadong security personnel, at sa legal na batayan ng isinagawang operasyon sa loob ng komunidad.

Noong 25 Mayo, tinupok ng malaking sunog ang malaking bahagi ng Pulong Kendi II na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng 327 pamilya. Hanggang ngayon ay marami pa rin sa kanila ang nananatili sa pansamantalang mga silungan habang unti-unting bumabangon mula sa pinsalang dulot ng sunog at pagkawala ng kanilang kabuhayan. (TEDDY BRUL)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Teddy Brul

Check Also

PAPI RESCOM Philippine Army gun safety training

PAPI at RESCOM Philippine Army, nagsanib-puwersa sa gun safety training para sa mga mamamahayag

TANZA, CAVITE — Sa propesyong ang pangunahing sandata ay panulat, kamera, at katotohanan, muling pinaalala …

Nartatez PNP

Sinubok ng Trahedya: Ang Sukatan ng Pamumuno ni Chief Nartatez

TATLONG estudyante ang nasawi. Ilan pa ang nananatiling nasa ospital. Ang isang paaralan sa Tacloban, …

DOST SOCCSKSARGEN Cotabato PSTO PNP CPPO

CPPO Explores Opportunities in Science and Technology Initiatives with DOST Cotabato

The Department of Science and Technology (DOST) SOCCSKSARGEN – Cotabato Provincial Science and Technology Office …

DOST Lanao del Norte PORTASOL Matungao Cacao Farmers

PORTASOL Technology Ensures Cleaner, Faster Drying for Matungao Cacao Farmers

Traditional open-sun drying leaves hardworking farmers at the mercy of unpredictable weather, leading to high …

DOST Ilocos Region DOST-PCIEERD RnD Proposal Development

‎DOST Ilocos Region, DOST-PCIEERD Strengthen Research Culture Through Capacity Building on R and D Proposal Development

‎To strengthen the research and development (R&D) capabilities of academic and research institutions in the …