HINDI bababa sa 10 hanggang 11 empleyado ng Ateneo de Manila University (AdMU) ang sasampahan ng kaso kaugnay ng pagkamatay ng mga student athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team building activity sa Dipaculao, Aurora.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., patuloy na sinusuri ng mga imbestigador kung may pananagutang kriminal ang mga sangkot, kabilang ang posibleng negligence o paglabag sa Anti-Hazing Law.
Anang PNP chief, nakompleto na ang kanilang imbestigasyon at ihahain nila ang mga resulta nito sa piskalya para sa kaukulang disposisyon.
Naunang nagsagawa ng imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang alamin kung may naganap na homicide o paglabag sa Anti-Hazing Law kaugnay ng insidente.
Inaasahang matatapos na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Biyernes ang imbestigasyon sa pagkamatay nina Baterbonia at Adili.
Karamihan sa mga ipinatawag ng ahensiya ay nakapagbigay na ng kanilang mga pahayag, kabilang sina dating Head Coach Tab Baldwin, mga assistant coach, manlalaro, at alumni ng koponan.
Nitong Miyerkoles, nagsumite ng kanilang mga sinumpaang salaysay ang dalawang student manager at dalawang utility worker ngunit tumanggi silang magbigay ng pahayag sa media. (HATAW News Team)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com