PATULOY na dinarayo ng mga deboto, mga mamamahayag, at mga mausisang bisita ang simbahan ng Santa Maria delle Grazie (Our Lady of Grace) sa Casalba, Italy, matapos maiulat ang sinabing paglabas ng tila dugong luha sa kaliwang mata ng rebulto ni San Padre Pio.
Sinabing naganap ang kakaibang pangyayari noong 18 Abril 2026 nang mapansin ng ilang mananampalatayang nananalangin ang mapulang mantsang kahawig ng dugo sa rebulto.
Sinubukan ni Fr. Girolamo Capuano, kura paroko ng simbahan, na linisin ang mantsa ngunit hindi ito naalis sa kabila ng ilang ulit na pagtatangka.
Sinuri rin ng pari ang mga kuha ng closed-circuit television (CCTV) sa loob ng isang buwan at sinabi nitong wala siyang nakitang anumang senyales na may taong nanghimasok o nagmanipula sa rebulto.
Sa kabila nito, nananatiling maingat ang Simbahang Katolika sa paghusga sa mga ganitong ulat. Isinagawa na ng lokal na diyosesis ang paunang imbestigasyon at isinumite ang mga natuklasan nito sa Dicastery for the Doctrine of the Faith sa Roma, na siyang magsasagawa ng mas malalim na pagsusuri bago maglabas ng anumang opisyal na pasya.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, tuloy-tuloy rin ang pagdating ng mga peregrino, mga mamamahayag, at mga usisero na nais makita nang personal ang rebulto.
Samantala, sa Filipinas, patuloy na dinarayo ng mga deboto ang St. Pio of Pietrelcina Chapel sa Barangay Bagumbayan, Quezon City, upang manalangin, magsagawa ng nobena, magdasal ng Santo Rosaryo at humingi ng pamamagitan ni San Padre Pio para sa kanilang mga kahilingan.
Bumibili rin ang mga peregrino ng mga rosaryo sa gift shop ng kapilya at nakikilahok sa araw-araw na nobena. Matapos ang panalangin, isinasabit ang kanilang mga rosaryo sa mga bintana at bakod ng kapilya.
Sa paglipas ng mga taon, libo-libong rosaryo na ang nakolekta ng kapilya at ang ilan sa mga ito ay ginawang mga palamuting ilaw na makikita ngayon sa loob at paligid ng dambana.
Maraming deboto ang nagpatotoong natugunan ang kanilang mga panalangin sa pamamagitan ng intersesyon ni San Padre Pio. Ayon sa pahayag ng Isang deboto na si Jun Villarica, patuloy ang kayyang pagbisita sa kapilya kasama madalas ang pamilya niya. Kanyang nahikayat din ang kaanak niya at kaibigan upang dumalo sa misa, mag-novena at pasasalamat sa matibay nilang pananampalataya. (𝑴𝒖𝒍𝒂 𝒔𝒂 𝒖𝒍𝒂𝒕 𝒏𝒈 𝑬𝑾𝑻𝑵, 𝑽𝒂𝒕𝒊𝒄𝒂𝒏 𝑵𝒆𝒘𝒔, 𝒂𝒕 𝒏𝒊 𝑻𝒆𝒅𝒅𝒚 𝑩𝒓𝒖𝒍)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com