Rydelle’s Hill, bagong sentro ng downhill skateboarding sa Pinas
ALEGRIA, Surigao del Norte — Patuloy na inilalagay ng bayang ito ang pangalan nito sa pandaigdigang mapa ng sports tourism sa pag-angat ng lokal na downhill skateboarding star na si Rydelle Grace Abarico.
Sa idinaos na Governor’s Cup KSA National Downhill Skateboarding Competition noong Hunyo 26 hanggang 28, opisyal na pinasinayaan ang Rydelle’s Hill, isang world-class downhill skateboarding track na ipinangalan bilang pagkilala sa mga tagumpay ni Abarico.
“Malaking karangalan para sa akin na ang (downhill course) ay ipinangalan sa akin. Higit pa ito sa isang track, simbolo ito na kayang makipagsabayan ng mga atletang nagmula sa maliliit na bayan sa pandaigdigang entablado,” ani Abarico sa pagbubukas ng Rydelle’s Hill sa Barangay Ombong.
Pinangunahan nina Surigao del Norte Governor Robert Lyndon S. Barbers, Alegria Mayor Dominador Esma Jr., at Vice Mayor Rene G. Esma ang pagpapaganda ng pasilidad sa pamamagitan ng paglalagay ng asphalt overlay at solar-powered lights upang makapagsanay nang ligtas at mabilis ang mga atleta kahit sa gabi.
“Ayaw naming dito lang magtapos ang kompetisyong ito. Hangad naming sa susunod na taon ay makapagdaos na tayo ng isang pandaigdigang torneo na lalahukan ng mga atleta mula sa iba’t ibang bansa,” pahayag ni Barbers.
Nagpasalamat din ang gobernador sa Philippine Sports Commission (PSC) at kay Chairman Patrick Gregorio sa patuloy nitong suporta sa pagsusulong ng sports tourism sa lalawigan.
Umabot sa 150 skateboarders mula sa 21 lalawigan at 33 lungsod at bayan ang lumahok sa 1.8-kilometrong matarik at paliku-likong downhill course kung saan umaabot sa 80 kilometro kada oras ang takbo ng mga kalahok.
Kinopo ni David Sebastian Chanco ng Santa Rosa, Laguna ang kampeonato sa elite/open men’s division matapos higitan sina Warren Arnaiz ng Nasipit, Agusan del Norte, Carlo Jay Borja ng Puerto Princesa at Dustin Maglasang ng Vigan City.
Nagkampeon naman si Marsi Ferrer ng General Santos City sa women’s division matapos talunin sina Marta Mendez ng Surigao City at Alva Ragrag ng Iligan City. Sa men’s Class B, nanaig si Jay Longakit ng General Santos City laban kay James Gonzaga.
Sa edad na 24, isa na si Abarico sa pinakakilalang pangalan sa downhill skateboarding.
Mula sa pagkapanalo ng bronze medal sa 2019 Southeast Asian Games, isang taon lamang matapos matutong mag-skateboard, umangat siya bilang No. 4 women’s downhill skateboarder sa buong mundo sa 2024 World Championships sa Tortoreto, Italy.
Nalampasan din niya ang matitinding pinsala kabilang ang fractured fibula at dislocated shoulder bago muling bumalik at magwagi ng mga gintong medalya sa Thailand at Malaysia. Pinatunayan niya ang kanyang lakas nang magbalik sa Chiang Rai noong Disyembre 2025.
Ayon kay Mayor Esma, malaking ambag ang downhill skateboarding sa pagpapalakas ng sports tourism sa Alegria.
“Ang ating mga bundok at burol ay likas na yaman na maaari nating gamitin para sa sustainable sports tourism. Matapos ang international mountain bike race noong nakaraang buwan, magdaraos din tayo ng trail run ngayong Agosto. Ang Rydelle’s Hill ay magpapakilala pa lalo sa Alegria, magpapasigla sa lokal na ekonomiya at magbibigay-inspirasyon sa ating kabataan,” aniya.
Nagkampeon si Mark Lloyd Garde ng Butuan City sa masters class habang pumangalawa at pumangatlo sina Kokong Escobal ng Surigao City at Bryan Batisan ng Cabanatuan City.
Sa beginners division, naghari si Jerrey Saligumba ng Maasim, Sarangani matapos talunin si Wacy Sawitan ng Malitbog, Bukidnon sa ikatlong sunod na edisyon ng torneo.
“Naipuwesto na natin ang Siargao bilang surfing capital ng Pilipinas. Ngayon naman, hangad nating kilalanin ang mainland ng Surigao del Norte bilang tahanan ng downhill skateboarding,” sabi ni Governor Barbers.
Habang kinikilala na sa buong mundo ang alon ng Siargao, unti-unti namang sumisikat ang mga burol ng Alegria bilang bagong destinasyon ng downhill skateboarding.
Pinagsasama ng Surigao del Norte ang likas na kagandahan, makabagong imprastraktura at world-class na mga atleta upang maging bagong sentro ng international downhill skateboarding.
“Ang sports tourism ay hindi lamang tungkol sa kompetisyon. Ito ay pagbubukas ng mas maraming oportunidad, pagpapalakas ng mga komunidad at pagpapakita sa buong mundo ng kagandahan ng ating lalawigan,” dagdag ni Barbers.
Para kay Abarico, higit pa sa isang seremonya ang Governor’s Cup. Bagama’t nagpapagaling pa sa tinamong injury sa tuhod, nakatuon na siya sa paghahanda para sa World Skate Games sa Paraguay ngayong Oktubre.
“Karangalan at malaking responsibilidad ang katawanin ang Pilipinas sa pandaigdigang kompetisyon. Ang burol na ito, ang komunidad at ang Surigao del Norte ang nagbibigay sa akin ng lakas upang malampasan ang bawat injury at pagsubok. Saan man ako lumaban, dala ko ang Alegria at Surigao del Norte,” pagtatapos ni Abarico. (PSC/HNT)
