PSC CIDG

Pahayag ukol sa ulat ng CIDG at mga pinakahuling kaganapan sa trahedya sa Aurora

IPINAPAHAYAG ng Sports Stakeholders’ Panel ang buong suporta nito sa prosesong isinasagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang taos-pusong pasasalamat sa masigasig at tuloy-tuloy nitong paghahanap ng katotohanan kaugnay ng trahedya sa Aurora na kumitil sa buhay ng dalawang student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Aidili.

Pinupuri rin namin ang pagiging bukas ng CIDG sa pagbibigay ng mga ulat sa publiko at ang matatag nitong pagsunod sa tamang proseso sa buong imbestigasyon. Sinusuportahan din namin ang patuloy na pagsusuri ng Commission on Higher Education (CHED) sa pangangasiwa ng mga institusyon alinsunod sa CHED Memorandum Order No. 63, s. 2017.

Habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon upang matukoy kung may naganap na hazing, kapabayaan, o iba pang paglabag na may kaugnayan sa trahedya, kinikilala naming nagdulot ito ng pangamba at kawalang-katiyakan sa hanay ng mga propesyonal sa larangan ng sports, lalo na sa mga coach at team manager.

Maraming disiplina sa sports ang nangangailangan ng mahigpit na pisikal na paghahanda, disiplina, at matatag na pag-iisip. Dahil dito, may mabigat na pananagutan ang mga coach at team manager na ihanda ang kanilang mga atleta upang makamit ang kahusayan habang tinitiyak ang kanilang kaligtasan, dignidad, at kapakanan. Dapat silang maprotektahan laban sa anumang uri ng panganib, pang-aabuso, pagsasamantala, at mga gawaing inuuna ang pansariling interes kapalit ng buhay at kapakanan ng mga atleta.

Muli naming pinagtitibay ang aming matibay na paninindigan na higit pang gawing propesyonal ang coaching at pamamahala ng mga koponan sa pamamagitan ng mas mataas na pamantayan, patuloy na edukasyon, obligadong sertipikasyon, kabilang ang Basic Life Support (BLS) Training, mas malinaw na mga patakaran sa operasyon, at mas matitibay na mekanismo sa pangangalaga sa lahat ng antas ng sports.

Naniniwala kaming sa maayos na pagpapatupad ng mga repormang ito ay higit na mapangangalagaan ang kapakanan ng mga atleta at coach, mapalalakas ang etikal at propesyonal na pamamalakad, at maibabalik at mapagtitibay ang tiwala ng publiko sa ating sistema ng sports.

Nagsimula na ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagpapatupad ng mga hakbang na ito sa pamamagitan ng Coach Developer Academy, na naghahanda ng mga coach developer na magsasanay at magbibigay ng sertipikasyon sa mga coach sa ilalim ng nalalapit na National Sports Coaching Certification Program.

Isinasagawa ang programang ito sa pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd), habang bumubuo naman ang Commission on Higher Education (CHED) ng mga bagong Memorandum Order na magpapalakas sa mga polisiya para sa kapakanan ng mga atleta at pagtatatag ng ligtas na kapaligiran sa sports.

Hinihikayat din ang lahat ng National Sports Associations (NSAs) na higit pang paigtingin ang kanilang mga safeguarding system at magtalaga ng mga safeguarding officer upang matiyak na ang anumang reklamo o suliranin sa loob ng sports ay ligtas na maihahayag, agarang matutugunan, at patas na mareresolba.

Ang mga repormang ito ang magsisilbing matibay na pundasyon sa muling pagtalakay at pagsusulong ng panukalang Sports Coaching Act (H.B. 2631), na layong higit pang itaas ang antas ng propesyonalismo, pananagutan, at proteksiyon sa sektor ng sports.

Nananawagan kami sa buong komunidad ng sports—mga institusyon, coach, atleta, magulang, opisyal, at National Sports Associations—na makiisa at suportahan ang mga hakbang na ito. Hinihikayat din namin ang bawat isa na taimtim na suriin ang mga nakagawiang sistema at kultura na matagal nang tinatanggap, upang matiyak na ang sports ay tunay na nagsisilbing daluyan ng paghubog ng disiplina, pagkatao, at mas mabuting kinabukasan ng ating kabataan.

Sa huli, ang kapangyarihang ipinagkatiwala sa atin, ang pananagutang ating tinatanggap, at ang mga pamantayang ating pinaninindigan ang huhubog sa kultura ng sports na magsisilbing gabay sa susunod na henerasyon—at, sa bandang huli, magtatakda sa uri ng bansang ating lilikhain. (PSC release)