SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
BURADO na as in walang-wala na. Ito ang iginiit ni Coco Martin sa isang interbyu sa kanila ni Julia Montes ni Ogie Diaz sa Youtube channel nito ukol sa hindi nila pagkakaunawaan noon ni Katherine Luna.
Kahanga-hanga ang tinuran ni Coco na hindi siya nagtanim ng sama ng loob kay Katherine kahit iginiit nito noon na ang aktor ang ama ng kanyang anak. Na eventually ay pinasinungalingan ng aktres. At humingi ng tawad kay Coco sa isang interbyu ni Julius Babao.
Ang isa pang kahanga-hanga at talaga namang sasaluduhan ay si Julia dahil walang kagatol-gatol itong nagbigay ng tulong pinansiyal.
Ibinahagi ni Coco ang kuwento sa likod ng pagtulong niya sa ex-girlfriend at dating sexy star matapos humingi ng tawad sa kanya.
“Noong pinanonood na namin si Kath, na-touch talaga ako noong humingi siya ng sorry,” anang aktor.
At bukod sa kanyang lola, kinausap din ni Coco si Julia na siyang nagha-handle ng pera at finances niya. At wala raw tanong-tanong na naglabas ng pera si Julia para kay Katherine.
“Nakikita ko kasi ‘yung kagandahan ng puso ni Juls (Julia). Walang pag-aalangan na ‘Uy, baka magkano ‘yan.’
“Kaya all the way kung ano man ‘yung nakikita ko, naiisip ko paano ulit makakabangon si Kath, talagang lahat. Hanggang sa pinasok namin sa ‘Sigabo,’” pagbabahagi ni Coco na isa nga si Katherine sa mga kasamang aktor sa bagong action serye nina Coco at Julia, ang Sigabo.
Sa ilang video na nag-viral, puring-puri ni Katherine si Julia at sinabing iyon pa ang naunang bumati sa kanya bagamat nakikipag-meeting. Tumayo si Julia at sinalubong siya at inakap ng mahigpit na mahigpit.
“Wala na talaga, talagang burado na (isyu kay Katherine). And then sobra kaming happy talaga,” wika pa ni Coco.
“Kumbaga sabi ko, sino ba naman ako na humihingi ng tawad sa ‘yo ‘yung tao after all kahit gaano kasakit,” sabi pa ni Coco.
Bukod kay Julia, kinausap din ni Coco ang kanyang lola na nasaktan noon sa mga sinabi ni Katherine laban sa kanya.
“Sabi niya, ‘Tulungan mo.’ Gusto ko ipagamot ‘yong mata, ipaayos ko. Tapos sabi niya, ‘Sige.’ Kaya pina-contact ko agad. Tinawagan namin,” anang aktor.
Likas na talaga ang pagtulong ni Coco gayundin ni Julia kaya hindi kataka-takang blessed sila.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com