NASAKOTE ng Caloocan City Police ang limang lalaki, kabilang ang isang menor de edad sa pagnanakaw ng kable ng PLDT na naibebenta ang tanso (copper) matapos isumbong ng isang nakasaksi habang nagsasagawa ng patrol ang pulisya, kamakalawa ng madaling araw sa Barangay 71, Caloocan City.
Sa report mula sa tanggapan ni P/BGen. Josefino D. Ligan, District Director ng Northern Police District (NPD), kinilala ang mga suspek sa mga edad na 35-anyos at 36-anyos, kapwa construction worker; 33-anyos Lalamove driver at isang 32-anyos kapwa Lalamove driver; at 50-anyos vendor.
Nahuli rin ang isang 16-anyos menor de edad, pawang mga residente sa Caloocan City, Maynila, at Quezon City.
Ayon kay P/Col. Paul Jady D. Doles, hepe ng Caloocan City Police, nagsasagawa ng routine patrol ang mga tauhan bandang 4:30 ng madaling araw sa Rizal Avenue Ext., nang may lumapit sa kanila na isang concerned citizen at isinumbong ang nagaganap na pagnanakaw ng kable ng PLDT.
Agad pinuntahan ang nasabing lokasyon at aktong nakita na ikinakarga sa sasakyan na Isuzu Utility Vehicle Aluminum Van at AC Utility Vehicle ang mga nakuhang kable.
Nakompiska mula sa mga suspek ang 24 piraso ng PLDT Underground Copper Cable 600PRS at 22 piraso ng PLDT Underground Copper Cable 2000PRS.04, na nagkakahalaga ng halos P198,000, dalawang volt cutters at lubid.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek at kinasuhan ng paglabag sa Revised Penal Code (Theft) at Republic Act No. 10515 (Anti-Cable Tapping Act of 2013). Dinala ang menor de edad sa Bahay Pag-asa. (VICK AQUINO)