KASADO na ang pulisya ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CaMaNaVa) na nasasakupan ng Northern Police District (NPD), na nasa 1,279 police personnel ang ipapakalat sa 287 pampubliko at pribadong paaralan para sa pagbubukas ng klase ngayong School Year 2026–2027.
Ayon kay NPD Acting District Director P/BGen. Benliner Capili, bilang suporta sa mga paaralan, una na silang nagpakalat ng security at traffic management para sa mga aktibidad ng Brigada Eskuwela mula 1 Hunyo hanggang 5 Hunyo upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng mga hakbang bilang handa sa lahat ng paaralan sa CaMaNaVa area.
Naglatag ng 110 Police Assistance Desks (PADs) sa mga estratehikong lokasyon at mga pangunahing convergence area upang magbigay ng agarang tugon sa mga insidente at pampublikong alalahanin.
Ang panukalang ito ay naglalayong palakasin ang police visibility sa loob at paligid ng mga paaralan, mga ruta ng transportasyon, at mga kalapit na komunidad upang hadlangan ang aktibidad ng kriminal at matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral, guro, magulang, at tauhan ng paaralan.
Kaugnay nito, naghahanda ang NPD sa tag-ulan upang matiyak ang kaligtasan, seguridad, at katatagan ng kanilang mga tauhan at ng mga pinaglilingkurang komunidad bilang pangako ng Distrito sa epektibong pagbawas at pamamahala sa panganib sa sakuna, pati na rin ang patuloy na pagpapahusay ng mga kakayahan sa pagtugon sa emerhensiya.
Binigyaang-diin ni P/BGen. Capili na nananatiling matatag ang NPD sa kanyang misyon na magbigay ng tumutugon, maaasahan, at nakatutok sa serbisyong pagpupulis, lalo sa panahon ng krisis, bilang bahagi ng dedikasyon sa kaligtasan ng publiko. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com