FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
PATULOY ang digmaan sa Gitnang Silangan, at kahit malayo ang Filipinas, ramdam natin ang epekto nito — lalo na sa presyo ng langis. Hindi lang ito usapin ng gasolina para sa sasakyan; apektado ang pagkain, pasahe, allowance, at kabuhayan. Kapag nagulo ang daloy ng langis sa mga kritikal na ruta, napipiga ang ekonomiya, at mas matindi ang tama sa mga bansang tulad natin.
Gaya nang nakasanayan, sinasagot ng mga Filipino ang bigat ng sitwasyon sa pamamagitan ng katatawanan. Kumalat ang memes — mula sa ideyang hindi raw pinayagan ang mga anime hero na tumulong, hanggang sa ‘tinging’ bentahan ng gasolina. Nakatatawa, oo, pero sumasalamin din sa lalim ng problema.
Sa datos, halos dumoble ang presyo ng diesel sa bansa sa loob lamang nang ilang buwan — mas mataas kaysa pagtaas sa ibang bansa sa Asya. Pinalala pa ito ng mahinang piso at mga umiiral na buwis at polisiya.
Totoo, ang deregulasyon at buwis ay may layunin: palakasin ang kompetisyon at pondohan ang pamahalaan. Ngunit sa ganitong krisis, mas ramdam ang bigat kaysa benepisyo.
May mga hakbang naman para maibsan ito, tulad ng panukalang pansamantalang bawasan o suspendihin ang buwis sa langis kapag lumampas sa itinakdang antas ang presyo sa pandaigdigang merkado. Ngunit malinaw: pansamantala lang ang mga ito. Ang ugat ng problema ay nasa labas—digmaan, suplay, at pandaigdigang demand.
Sa gitna ng galit ng publiko, may mga pangyayaring nakababahala. May mga ulat ng paninira sa ilang gasolinahan — binato, nilagyan ng putik, at tinarget ng protesta. Ngunit maling target ito. Ang mga gasolinahan ay hindi nagtatakda ng presyo ng langis sa mundo. Sila ay sumusunod lamang sa galaw ng pandaigdigang merkado at regulasyon ng gobyerno.
Bakit sila ang tinatamaan? Dahil sila ang nakikita. Dahil madali silang puntiryahin. Ngunit hindi ito makabuluhang protesta — isa itong palabas na kulang sa pag-unawa.
May kabalintunaan dito. Ang ilan sa mga kritiko ay dati rin sumusuporta sa pribatisasyon, naniniwalang mas mahusay magpatakbo ang pribadong sektor kaysa gobyerno. Ngunit kapag ang pribadong kompanyang ito, tulad ng San Miguel Corporation, ay kumikilos — nagbibigay ng diskuwento, tumutulong sa impraestruktura, o sumasalo sa kakulangan — madalas hindi ito kinikilala.
Hindi perpekto ang mga korporasyon, at dapat silang panagutin kung kinakailangan. Ngunit sa panahon ng krisis, mahalagang kilalanin kung sino ang tunay na may kontrol sa sitwasyon — at kung sino ang hindi.
Tama lang na magalit ang mga Filipino sa mataas na presyo. Ngunit kung ang galit ay mauuwi sa maling aksiyon at paninisi, lalo lamang nitong pinalalala ang problema. Sa huli, ang tunay na solusyon ay hindi nasa lokal na sigawan o paninira, kundi sa pagresolba ng mas malawak na krisis sa mundo.
Hangga’t may digmaan, mananatiling mataas ang presyo. At hangga’t mali ang ating pinupuntirya, mananatili rin tayong talo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com