FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NITONG nakaraang weekend, paulit-ulit na lumilitaw sa aking social media feed ang kasumpa-sumpang talumpati sa plenaryo na ibinigay ni Sen. Robinhood Padilla noong 26 Enero. Hindi ko iyon masyadong pinansin dalawang linggo na ang nakalipas dahil, sa totoo lang, hindi ko naman siya binibigyan ng sapat na atensiyon — lalo na para sulatan pa ng isang kolum.
Ngunit sa muling pag-iisip, nakapangingilabot ang kapal ng mukha ng isang senador na gumamit ng mahalagang oras ng Senado para sermonan ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG), si Commodore Jay Tarriela, at pagalitan pa ang mismong PCG hanggang sa puntong pahiwatigang duwag sila.
‘Di bale na kung tawagin din ako ni Sen. Binoy na ‘pangit’, gaya ng ginawa niya noon kay Ronald Llamas, dating political adviser ng yumaong dating Pangulong Noynoy Aquino. Pero para sa akin, mas pangit ang ginawa niyang pagtayo sa Senado para upakan ang PCG na para bang sila ang mga ‘kaponponan’ na binubugbog niya sa dati niyang mga pelikula.
Ang kanyang tono, pananalita, at ang desisyong ilagay ang lahat nang iyon sa rekord sa isang privilege speech na ipinalabas sa buong bansa ay lubhang nakababahala. Isipin ang isang senador, sa gitna ng pambu-bully ng China sa mas maliliit at mas kaunting bilang na sasakyang-dagat ng Filipinas, ay may lakas ng loob pang magpahiwatig na duwag ang ating mga tagapagtanggol sa karagatan.
Imagine mo siya — ang No. 1 na nahalal na senador noong 2022 — na nagpapalakas ng kayabangan sa pamamagitan ng paghikayat sa PCG na bumili ng mas malalakas na water cannon at buhusan ng tubig ang mga barko ng Chinese coast guard. Imagine mo siyang hayagang pinapagalitan si Tarriela — ang tagapagsalitang matagal nang matatag na ipinagtatanggol ang ating teritoryong pandagat at ang mga kababaihan at kalalakihang isinusugal ang kanilang buhay sa laot.
Kung “hindi angkop” si Tarriela, ano naman ang tawag sa naging palabas ng senador sa harap ng buong bayan?
Ipaliwanag natin ito nang malinaw. Una: hindi sinasagot ng PCG ang pag-atake ng water cannon gamit ang water cannon. Iniiwasan at inuungusan nila ang mga barkong Tsino — minsan lima pa ang sabay-sabay — na nagtatangkang ipitin sila o udyukan sa marahas na reaksiyon. Hindi iyon kaduwagan. Iyon ay disiplina sa ilalim ng matinding pressure. Ikalawa: hindi gumaganti ang PCG dahil nakatali sila sa patakaran ng pambansang seguridad at sa utos ng Pangulo na maximum tolerance. Hindi iyon kahinaan. Iyon ay paninindigan — ipinagtatanggol ang teritoryo habang tumatangging madala sa ilegal na paglala ng tensiyon.
Ang mga water cannon sa mga barko ng PCG ay hindi sandata ng pananakot; mga kagamitang pangkaligtasan ang mga ito — pang-apula ng apoy, pangligtas ng buhay sa dagat. Hindi po ito pelikula. Probokasyon ang nais ng China. Gusto nitong mag-react nang ilegal ang PCG para bigyang-katuwiran ang higit pang agresyon. Ang pagsabay sa iskrip na iyon ay lalo lamang nagpapahina sa Filipinas.
Hindi ito usapin ng tapang laban sa karuwagan. Ito ay usapin ng kamangmangan laban sa pananagutan. At hindi lang ito si Padilla. Kapag ang mga senador tulad nina Padilla at Marcoleta ay nagpapanggap na mga ‘tagapamayapa’ habang sinisira ang ating legal, diplomatiko, at pandagat na posisyon, pinaglilingkuran nila ang interes ng China — hindi ng Filipinas. At madaling mabasa sa likod nang lahat ng kanilang pag-o-overact ang pagtatakip sa tunay nilang layunin.
Pinahihina nila ang ating tindig, nilalabnaw ang ating paninindigan, at binabalutan ang lahat ng lengguwahe ng de-escalation. Ginagampanan ng PCG ang kanilang tungkulin — tahimik, matapang, at ayon sa batas. Ang tunay na OA ay nasa Senado. At kalaunan, makikita rin ito ng mga Filipino kung ano talaga rito: hindi makabayan, hindi Filipino, at mapanganib na iresponsable — kung hindi man isang pagtataksil.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com