Sunday , December 22 2024

Hiwalayang Ai Ai-Gerald may 3rd party?

HATAWAN
ni Ed de Leon

HEADLINE sa lahat ng mga entertainment website si Ai Ai delas Alas. Bakit nga hindi eh sa araw mismo ng birthday niya at saka niya inamin sa publiko na iniwan siya ng kanyang asawang si Gerald Sibayan

Pag-aralan natin ang sunod-sunod na nangyari ha. Sinabi ni Ai Ai na noong 2:00 ng umaga, Oktubre 14 nakatanggap siya ng text mula sa kanyang asawang nasa America na nagsasabing gusto niyang magkaroon ng anak, at hindi na siya masaya sa relasyon nila kaya maghiwalay na sila. Inamin ni Ai Ai na bagama’t naalimpungatan siya nang matanggap 

ang text isa man sa kanila ay hindi naisip na magtawagan. Malaki kasi ang kaibahan ng text at iba ang dating niyong naririnig mo ang tono at ang bigat ng salitang binibitiwan ng kausap mo. Siguro iniwasan na rin ni Gerald iyon dahil sa pagkakataong iyon, siya ang offending party. Hindi na rin ginawa iyon ni Ai Ai dahil bukod nga sa naalimpungatan hindi pa siguro niya malaman kung ano ba iyon talaga. Basta gusto na siyang hiwalayan ng asawa niya na tahasang sinabing hindi na siya masaya at kailangan niya ng anak na hindi naman kayang ibigay ng babae. 

Siguro sa isip ni Ai Ai mas masakit kung maririnig pa niya iyon ng diretsahan kaysa roon sa nababasa na lang niya. Iyong nababasa niya ay maaari pa niyang balikan, dahil baka mali lang ang pang-unawa niya.

Nang magbalik si Ai Ai sa US noong October 27, wala na si Gerald sa bahay nila. Wala na rin siyang inabutan kahit na ano, ni ha ni ho.

May isang punto na gusto naming bigyang diin, kasal sila, may sacramento iyan. Sa ilalim ng batas, ang isang contract ay isang bilateral agreement at hindi maaaring balewalain ng isang unilateral decision. Kailangan magkasundo rin silang balewalain na ang kasunduan nila. Sa kasong ito itinerminate ni Gerald ang kanilang kasunduan. Puwedeng maghabol si Ai Ai, pero sabi niya ayaw naman niyang magmukhang kawawa ang sarili.   

Kung titingnan mabuti, kawawa si Ai Ai, dahil sinasabi naman niya ginagawa niya ang lahat ng gusto ni Gerald. Maski nga siguro sabihin niyong magpasirko-sirko siya gagawin niya eh. Dahil gusto niyang manatili ang kanilang relasyon at pagsasama. Tapos sa loob lamang ng ilang araw ay nakaalis na iyon sa kanilang bahay, eh saan pupunta iyon? Kung naririto iyon sa Pilipinas maaaring sabihing umuwi sa pamilya niya nang lumayas sa bahay nila ni Ai Ai, eh nasa America iyon? Paanong nangyari iyong ganoon kabilis ang mga kilos?

Ang unang suspetsa tiyak na may third party kaya may nauwian agad. Kung hindi man, matagal na niyang plano iyan. May nakuha na siyang ibang bahay na  hindi alam ni Ai Ai. Baka matagal na siyang planong iwanan ni Gerald. Napaka-simple ng dahilan, gusto niyang magka-anak. At alam naman niyang gumagawa ng paraan si Ai Ai na mabigyan siya ng anak. 

Sinubukan na raw nila ang IVF, pero sa dalawang unang pagkakaton ay hindi tumubo iyon, may isa pa naman daw silang natitirang binhi. ibig sabihin may pag-asa pa. Naging honest naman si Ai Ai na naghihintay siyang makaipon sila ng pera ulit bago isagawa ang ikatlong attempt, milyon din ang gastos diyan at tiyak naman ang aktres ang gumagastos doon. May trabaho na si Gerald sa US pero duda kami kung kaya na niyang magpagawa ng IVF sa kinikita niya.

Mayroon pang isang posibilidad, may third party nga at baka buntis na iyon at natural kailangang pakisamahan ni Gerald. 

Papayag ba iyon na kabit lang siya samantalang siya ang makapagbibigay ng anak na hinahabol ng lalaki? Natural na kondisyon iyon na kung gusto mo ang anak mo, iwanan mo ang asawa mo. At si Gerald dahil sa kagustuhan ngang magkaroon na ng anak, natural iiwanan si Ai Ai.

Marami ka pang maiisip na scenario kung bakit iniwan ni Gerald si Ai Ai. Isa pang malaking factor ay ang agwat ng kanilang edad at ang katotohanang si Gerald ay kasing edad lamang ng anak niyang si Sancho. Actually nakilala nga niya si Gerald dahil kay Sancho na nag-aaral din noon sa La Salle. Si Gerald ay badminton player ng eskuwelahan, kung sabihin nga ay badminton hearthrob ng La Salle. Hindi mo naman sasabihing napaka-guwapo pero may porma.at mahusay na manlalaro. Ang sumunod na nangyari, si Ai Ai na ang manager ng badminton team. Ibig sabihin, kung ano ang kailangan ng team at hindi kaya ibigay ng eskuwelahan, si manager ang sasagot sa gastos. Hindi naman badminton player o enthusiast man lamang si Ai Ai pero bakit siya ang manager? Dahil na iyon kay Gerald. Naging boyfriend nga niya si Gerald. Hanggang sa nagpakasal na nga sila at naging mag-asawa. Alam naman nila ang mga magiging problema, 30 taon ang tanda ni Ai Ai kay Gerald. Ibig sabihin, darating ang isang araw na uugod-ugod na si Ai Ai, ok pa rin si Gerald. Pero siyempre pagdating ng panahong iyon DOM na rin siya.at siyempre ayaw naman niya iyon. Kaya nga si Ai Ai alam naman niya na darating ang isang araw na iiwanan din siya ni Gerald, pero siyempre ipinagdarasal niyang sana ay huwag naman, o kaya sana naman huwag muna ngayon. Pero hind mo maaarok ang kapalaran. Nangyari rin nga ang inaasahan naman niyang darating.

Sa nangyari, mas dehado talaga si Ai Ai. Sino pa ba ang manliligaw sa kanya eh senior citizen na siya kundi iyon ding may discount na sa Mercury at sa mga restaurant na kinakainan? Kung siya sana ay kasing bata pa ni Andrea Brillantes maaaring sabihing baka makatisod pa siya ng isang Ricci Rivero, o kahit na isang Kobe Paras.  Kung kasing bata siya ni Kathryn Bernardo puwedeng sabihin na hahabulin pa siya ng isang kagaya ni Alden Richards .Pero sa ngayon baka maski tatay ni Alden hindi na siya ligawan. Iyong mga lalaking 60, DOM pero nakakabola pa iyan. Pero iyong mga babaeng ganyan na ang edad, medyo malabo na. Naalala nga namin ang isang mahusay na aktres noong araw, maganda pa pero may edad na, basta gustong mag-happy happy titigil ang kotse sa harapan ng isang gay bar doon sa dulo ng Roxas Boulevard.at ipatatawag na lang sa guard ang kanyang “suki.” 

Babayaran niya sa manager ang bar fine at isasama na niya ang lalaki kung saan niya gusto. Pero iyong kanyang suki ay may suki ring isang seksing Japayuki at isang showbiz gay, kaya nga natsismis din ang aktres dahil doon. Iyon ding mga nagpupunta sa bar, basta hinanap ang lalaki, sasabihin ng manager na “ay wala na nai-barfine na ni ganoon.”

Hindi naman namin sinasabing aabot sa ganoon si Ai Ai, hindi naman siguro niya gagawin iyon dahil malapit pa naman siya sa simbahan. Pero kung minsan iyang mga tao sa simbahan, may mga kapilyuhan din diyan, nagkakaroon din ng mga “love team-love team.”  Sabihin ninyo sa aming hindi eh, 60 taon na rin kaming sakristan at marami na kaming nakitang ganyan noon pa man. 

Pero sana naman huwag umabot si Ai Ai sa ganoon. Mayroon pa nga kaming alam eh, kunwari Charismatic renewal daw, nanay iyan ng sikat na artista ha, tapos nabalita nagkaroon ng affair sa isang pari. Kaya pala si Father umalis na lang.

Pero ito namang si Ai Ai, dapat madala na siya. Bata pa siya nang maging asawa niya si Miguel Vera, nag-uumbagan din sila hanggang sa magkahiwalay. Tapos nagpakasal siya roon sa ahente ng kotse, si Jed Salang, ikinasal sila ng umaga roon mismo sa hotel at doon din nag-honeymoon, nagbugbugan na sila noong kinagabihan at balak pa siyang ihulog sa bintana.

Ngayon masasabi niyang pinaka-mabait na iyang si Gerald, hindi siya sinaktan. Iniwan nga lang siya. Kaya sa susunod kung sakali, ang dapat niyang piliin ay iyong mamahalin siya talaga. Iyong hindi na pogi at bata. 

Sumunod na siya sa payo ni Andrew E, huwag kay Bitoy dahil tatlong beses na siyang pumalpak. Kung may manliligaw sa kanyang DOM at tototohanin siya, aba tingnan mo ang daming artistang magaganda na tumino ang buhay nang makapag-asawa ng DOM. Pero pumili naman siya ng biyudo o walang asawa talaga. Iyon bang parang tumanda nang ganoon dahil sa paghihintay sa kanya. Iyon ang makakasama na niya habambuhay iyon, tutal naman senior na rin siya. May discount na rin siya sa Mercury at sa restaurant. Puwede na siyang manood ng libreng sine. Make the most out of life na lang. Iwasan na ang mga poging bagets, walang mangyayari riyan. Huwag nang magpaka-cougar. 

About Ed de Leon

Check Also

Joel Cruz P25-M 25th anniversay Aficionado 

Joel Cruz mamimigay ng P25-M sa 25th anniversay ng Aficionado 

MATABILni John Fontanilla MAMAMAHAGI ng P25-M ang tinaguriang Lord Of Scents na si Joel Cruz …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

MMFF50

Sampung pelikula para sa MMFF50, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio ILANG araw bago ang Kapaskuhan, inilabas na ng Movie and …

MMFF 2024 MTRCB

Mga pelikula sa MMFF, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang angkop na klasipikasyon …