SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
HINDI nakalimutan ni Vandolph na pasalamatan ang ABS-CBN para maisapelikula nila ang Home Along Da Riles. Ang ABS-CBN ang may copyright ng sitcom.
Ani Vandolph, hindi magiging totoo ang pangarap nila na maisapelikula ang sitcom kung hindi pumayag ang ABS-CBN at si Ms Cory Vidanes.
“Maraming salamat sa pagtulong sa akin, at sa pagbibigay ng tiwala, at sa pagpapahiram ng franchise,” ani Vandolph.
Natanong si Vandolph kung ano kaya ang sasabihin ni Mang Dolphy sa ginawa nilang pagsasapelikula ng Home Along Da Riles.
“Siyempre sasabihin niya, ‘bakit wala ako riyan?!’
“Hindi siyempre, sasabihin niyon, ‘ano ginagawa ninyo?’
“Pero for sure he’s very, very happy.
Sasabihin niya, isang pasasalamat at ipinagpapatuloy namin ang kanyang legasiya dahil ang ‘Home Along Da Riles’ po ay maraming na-touch na buhay ng tao.
“‘Tay I love you at maraming salamat.’
“Sasabihn pa niyan, ‘O Boy 2, Vandolph, basta ang cast dapat kompleto.’ Sasagot namin, ‘Papa lahat naman hinanap naman namin eh, hindi lang namin nahanap talaga ang iba.’
“And of course he’s very proud of us, nakita niyang nagsama-sama kami uli even the Sunog Baga, mga OG kung tawagin. Itong si Presley nahanap namin ‘yan sa Mt…., ganoon talaga ‘yan,” mahabang tugon ni Vandolph.
At dahil kakaiba ang humor at pagpapatawa ni Mang Pidol hindi maiiwasang maikompara ang Home Along Da Riles Da Reunion sa sitcom nila noon.
“Of course kapag nagkasama-sama kami, tumatalab ‘yung pagkakakilanlan. Kasi at ease kami sa isa’t isa,” ani Vandolph.
“Pero noong unang taping lalo kaming mga tumanda na, si Maybe, si Dos parang ‘teka paano ako aapihin ng daddy ko eh tapos may anak na ako na mas matakaw sa akin?
“Adjustment madali kasi iba iyong bonding ng family eversince kahit matagal kaming nagpahinga, hindi nagkita-kita,” pagmamalaki pa ni Vandolph.
Sinabi pa ni Vandolph na hindi nila naisip na palitan ang karakter na ginagampanan ni Mang Dolphy, si Kevin Cosme.
“Dolphy iisa lang iyan,” giit ni Vandolph.
“Para naman kaming may tama kung papalitan namin siya o susubukan namin ang ibang artista,” paliwanag pa ng aktor.
“Ang pelikula po natin eh talagang living proof of what happened to the family of Cosme, noong nawala na ang tatay Kevin. Na alam naman natin na si tatay Kevin siya iyong nangangaral, siya ang nagbubuklod ng pamilya, siya ang nagpapaisa sa pamilya.
“Ngayon po nakikita natin kung paano nagmahalan ang pamilya dahil mayroon pa tayong isang tita, si tita nanay (Ason, Nova Villa) na dati naming tita noon.”
Nostalgic ang muling pagsasama-sama ng original cast members ng Home Along Da Riles na muling mapapanood sa reunion movie, ang Home Along Da Riles: Da Reunion.
Tampok pa rin sina Nova Villa (Azon), Claudine Barretto (Bing), Vandolph (Baldo), Boy 2 Quizon(Estong), Smokey Manaloto (Bill), Gio Alvarez (Bob), at Maybelyn dela Cruz (Maybelle).
Idinirehe ni Boy 2 ang Ang Home Along Da Riles: Da Reunion at mapapanood na simula sa June 17.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com