FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
GETS ko naman — bawal manigarilyo o mag-vape sa loob ng sementeryo. Fair ‘yan, lalo na ngayong Undas season kung kailan dagsa ang tao na dumadalaw sa mga mahal nila sa buhay. Reasonable and considerate rule, walang issue doon.
Ang hindi ko lang talaga gets ay ‘yung logic sa policy ng pulis sa Manila South Cemetery. Ayon kay Sgt. Villareal, puwedeng mag-deposit ng vape sa entrance tapos kukunin mo ulit paglabas mo. Pero ‘yung may dalang sigarilyo, either iwan sa sasakyan o kompiskado agad.
Ha? Paano nangyari ‘yun? Kung goal talaga ay bawalan ang smoking at vaping sa loob, dapat pareho ang treatment. Ba’t may ‘deposit’ para sa isa tapos ‘confiscate’ para sa kabila? Hindi ba dapat iisa lang ang rule kung parehong bawal naman gamitin sa loob?
‘Yung ganitong klase ng policy, halatang sablay sa planning at reasoning. Dapat siguro i-review ng MPD ‘tong policy nila — hindi lang para maging fair, kundi para rin mapanatili ‘yung tiwala ng publiko kung paano nila ipinapatupad ang batas.
Paglinaw sa malabong taxes
Sa Congress naman, mukhang mas malinaw ang usapan. Si Cagayan Rep. Rufus Rodriguez, parang naliwanagan na rin kung gaano ka-problematic ‘yung mga malabong distinction pagdating sa vapes — hindi lang sa mga patakaran ng MPD sa sementeryo, kundi pati sa buwis.
Kasama si Party-list Rep. Maximo Rodriguez Jr., nag-file siya ng House Bill No. 5364. Ang gusto nila: tanggalin na ‘yung tax distinction sa mga vape juices at magpatupad ng iisang excise tax na ₱10 per milliliter, with a 5% annual increase starting 2027.
Ang target nila dito ay ‘yung loophole na matagal nang niloloko ng ilang traders — ‘yung mga nagmi-misdeclare ng nicotine salt juices bilang freebase para makaiwas sa mas mataas na buwis. Same logic gap din ‘yan: malabong rules = madali ang lusot.
Simple lang ang sagot ni Rodriguez: gawing klaro, pare-pareho, at fair. Kasi whether usapang enforcement man ‘yan, taxation, o profit — ang solusyon palagi ay clarity.
Sa dulo ng lahat, whether sa pagbitbit ng sigarilyo’t vape sa gate ng “eternal gardens” o sa paghihigpit ng tax rules sa mga negosyanteng kumikita sa loopholes — ang tunay na sagot sa problema ay malinaw na patakaran.
Hindi palaging nasa mga tao ang problema. Pero kapag nakikita ng publiko na wala sa hulog ang lohika, o hindi pantay ang pagpapatupad, nawawala rin ang respeto sa awtoridad.
Kapag malinaw, patas, at matatag ang mga patakaran, madali namang sumunod ang mga tao. Kahit ‘yung mga naninigarilyo, o ‘yung kumikita sa bisyo, matutong rumespeto kapag wala nang puwang para sa kalabuan at kalitohan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com