IPAMAMALAS ng Alas Pilipinas ang kanilang kahandaan para sa FIVB Volleyball Men’s World Championship (FIVB MWCH) Philippines 2025 sa pamamagitan ng Alas Pilipinas Invitationals na magsisimula ngayong Martes.
Makakaharap ng pambansang koponan ang Indonesia club Jakarta Bhayangkara Presisi sa kanilang unang laban sa harap ng mga Filipino fans sa Smart Araneta Coliseum.
“Sa personal at 94 araw bago ang world championship,” ani Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara sa press conference nitong Martes kung kailan inianunsiyo rin ang pakikipagtulungan ng Republic Biscuit Corporation (Rebisco) sa PNVF para sa tatlong araw na apat-na-koponang tournament na ginanap sa Novotel Hotel sa Araneta City, Cubao.
Pinalalakas ng Invitationals ang aktibong suporta ng Rebisco bilang sponsor ng 32-bansang FIVB MWCH na gaganapin sa 12-28 Setyembre sa Smart Araneta Coliseum at SM Mall of Asia Arena.
Makakaharap ng Alas Pilipinas ang mga Indonesians sa pangunahing laban sa ganap na 7:30 pm sa Smart Araneta Coliseum, kasunod ng laban sa pagitan ng Hyundai Capital Skywalkers ng South Korea at ng Thailand National Team sa ganap na 4:00 pm.
“Bilang mga proud sponsor ng Men’s Volleyball World Championship, kami sa Rebisco, kasama ang PNVF, ay buong pusong sumusuporta sa patuloy na pag-unlad at kasikatan ng volleyball sa mga Filipino,” ayon kay Rebisco vice chairman Jonathan Ng.
“Nakikita namin ang isport na ito bilang inspirasyon para sa ating mga kababayan upang maabot ang kanilang pinakamahusay na kakayahan,” dagdag ni Ng. “Ang mga pagpapahalagang tulad ng sipag, disiplina, sportsmanship, integridad, at dedikasyon na ipinapakita ng ating mga manlalaro ay maaaring ilapat sa lahat ng aspekto ng buhay Filipino.”
Dumalo rin sa event sina PNVF vice president Ricky Palou, secretary-general Don Caringal, Action Republic Corp. president Rollie Delfino, Field Sales Operations head Alandel Acero, Alas Pilipinas captain Bryan Bagunas, at kapwa FIVB MWCH ambassador Alyssa Valdez.
Kasama nila ang mga coach na pinangungunahan ni Alas Pilipinas head coach Angiolino Frigoni at ang mga team captain ng mga kalahok na koponan sa event na sinusuportahan ng Smart, PLDT Home, Meralco, Metro Pacific, PAGCOR, LRTA, Maynilad, DOOH, RMN Ibis Styles Manila, at Smart Araneta Coliseum.
Ang Thailand ay pinamumunuan ni Coach Park Ki Won kasama si Amornthep Khonhan bilang captain,
habang ang Hyundai ay may Fabio Storti at Tae Jun Jeong, samantala ang Jakarta ay pangungunahan nina Reidel Alfonso Gonzares Toiran at Nizar Julfikar Munawar. (HNT)