Thursday , December 2 2021

Super Tekla, tinanggap na muli ni Willie sa Wowowin

MALAMANG na mas lalo pang gaganda ang buhay ni Willie Revillame dahi pinatawad at  tinanggap na n’ya muli si Super Tekla sa game show n’yang Wowowin na misteryosong iniwan ng huli noong 2017.

 

Sinasabing ang mga nagpapatawad ay gumagaang ang buhay, nagiging mas mapayapa, mas maligaya, mas malusog, at mas mayaman.

 

Noong July 4 ay nag-guest si Super Tekla sa show bilang ang totoong lalaki na si Romeo Librada. ‘Di siya naka-pambabaeng kasuotan na ang inihaharap na personalidad ay isang nakatatawang bading.

 

Ilang araw bago ang pagsulpot ni Tekla sa show ay napabalita nang nagparating siya ng mensahe kay Willie sa pamamagitan ni Donita Nose na ka-team up n’ya noon sa show na humihingi siya ng tulong para sa series of surgery na kailangang isagawa sa bagong silang n’yang anak na pinangalanan n’yang Angelo.

 

Isinilang ang sanggol na may diperensiya sa puwit at ang tawag ng mga doktor doon ay “anorectal deformity.” Parang malusog naman ang sanggol dahil nakayanan nito ang operasyon. May nakatakdang isa pang operasyon. Malaking halaga ang kailangan para maisagawa ang surgery, kaya’t naisipan ng ama ni Angelo na lumapit kay Willie na may reputasyong isang napakayamang negosyante.

 

Dahil nahihiya si Tekla na dumiretso kay Willie, ipinadaan n’ya ‘yon kay Donita Nose. At ipinarating nga ng komedyanteng totoong bading at nakadamit pambabae ang mensahe sa host-producer ng Wowowin na tuloy-tuloy pa ring itinatanghal ni Willie bilang isang live show na ginagawa sa pinakamataas na palapag ng opisina n’ya sa Will Tower na nasa tapat naman ng compound ng ABS-CBN. Sa nasabing network unang sumikat si Willie bilang host ng game show na Magandang Tanghali, Bayan na sa paglaon ay naging Wowowee.

 

Iniri-replay pala sa You Tube ang Wowowin at ang replay doon ng July 4 episode ang napanood namin.

 

Pero ilang araw bago nagpakita si Tekla kay Willie, napag-usapan na nina Willie at Donita sa mismong show ang pakiusap ni Tekla. Ganito ang naging pag-uusap nila, ayon sa mga ulat sa ilang websites.

 

Pagtatapat ni Donita kay Willie kamakailan: “Humihingi po kasi siya (Super Tekla) ng tulong. Kasi ‘yung anak niya… Gusto niyang lumapit sa inyo para sa kaunting tulong…” 

 

Sagot naman ni Willie na mistulang kinakausap si Super Tekla: “Hindi naman sa ano, iniwanan mo ako, ‘di ba? Pero may problema ka ngayon. Tumatawag ka kay Donita para sa tulong ko. Hindi ako nagtatanim ng galit kahit kanino. Laging may forgiveness ang puso dapat ng tao. 

 

“Nandito ako para tulungan kita. Wag kang mag-alala, tutulungan kita para sa anak mo… Tekla, puntahan mo ako rito, tutulungan kita para sa operasyon ng anak mo.”

 

‘Di na rin nagdalawang-isip si Willie na ipagtapat na bigla na lang ‘di na nagpakita sa show at sa kanya si Tekla pagkatapos itong mahuli na nagtutulog sa dressing room habang nagteteyping ang show noong 2017 pero may isang pagkakataon na wala na pala sa studio si Tekla dahil umuwi na. At ‘yung pag-uwi n’yang ‘yon ay hindi na siya nagbalik at hindi na nakipagkomunika sa producer-host ng show. Hindi raw totoo na tinanggal siya ni Willie.

 

Mensahe ng host-producer: “Tekla, kahit na iniwan mo kami, para malaman mo, open forum na tayo para malaman ng lahat. Ito ang panahon na nagkakaalaman tayo. 

 

“Hindi kita sinusumbatan. Magaling ka, okay ka. May pinagdaraanan ka ngayon. Hindi naman sa ano, iniwan mo ‘ko, ‘di ba?

 

“Hindi ako nagtatamin ng galit kahit kanino… Tekla, ipapaalala ko lang sa ’yo. Hindi kita inalis. Alam mo ‘yan, alam ng Diyos ‘yan. Ikaw ang umalis sa show… After that, hindi mo na ako kinausap. Kumuha ka ng manager na hindi namin…”

 

Pagkalipas ng ilang linggo pagkawala ni Tekla sa Wowowin, napabalitang kinuha siya ng GMA Artist Center. Binanggit ni Willie noong July 4 show na tinawagan naman siya ng Artist Center para ipabatid sa kanya ang balak nilang i-manage si Tekla. Inengganyo naman n’ya sila na ituloy ang balak nila.

 

Nagtuloy-tuloy naman ang paghahanapbuhay ni Tekla. Nagsimula siyang maging guest sa mga serye ng Kapuso Network, gaya ng Alyas Robin Hood, Trops, at Celebrity Bluff.

 

Noong  2018, dumating ang  first major role sa Inday Will Always Love You bilang si Kimberlou, bading na gay sidekick ng bidang character na ginampanan ni Barbie Forteza. Nadagdagan pa ang regular na kita n’ya mula sa network dahil sa sunod-sunod na pagtatanghal nila ni Donita Nose sa ibang bansa noong 2018 at 2019.

 

Nagkaroon din siya ng parang sariling show sa Kapuso Network noong 2019, ang The Boobay & Tekla Show na kasama n’ya ang komedyante ring si Boobay. Tumatakbo pa ‘yon nitong 2020 pero natigil nang magkaroon ng Covid-19.

 

Actually, noong September 2019 ay nagparamdam si Tekla na gusto n’yang magkabati na sila ni Willie para makapag-guest siya sa Wowowin at mai-promote ang solo movie n’yang Kiko & Lala na ipinrodyus ng GMA Backyard Productions. O kahit mai-plug man lang ang pelikula n’ya sa Wowowin na inaamin naman n’yang nagbigay ng break at nagpasikat sa kanya.

 

Pero ‘di pa siya gipit sa buhay, wala pa siyang anak noon (sa pangalawang “misis” n’ya na ina ni Angelo) kaya sa halip na makipag-usap kay Willie, sa press conference lang para sa pelikula n’ya binanggit na gusto na n’yang makipagkasundo kay Willie.

 

Sa July 4 guesting ni Tekla sa Wowowin, hindi naman n’ya tinutulan ang pagbubunyag ni Willie na hindi naman siya tinanggap sa show kundi siya (Tekla) ang misteryosong ‘di na bumalik sa show.

 

Binigyang-diin pa ni Willie na wala ni isa man sa co-hosts n’ya na nawala sa show ang tinanggal n’ya. Kusang umaalis ang mga ‘yon sa kung ano pa mang dahilan.

 

Tutok to Win na kayo sa Wowowin at malamang na nagko-co-host na roon si Super Tekla. Alas singko ng hapon ‘yon ipinalalabas na uli ng live sa Kapuso Network.

 

At harinawa’y maayos ang katawan at kalusugan ni Baby Angelo. Sana rin ay ‘di na bumalik si Tekla sa kung ano mang pinagpupuyatan n’ya noon na naging sanhi ng pagiging antukin n’ya tuwing teyping ng show, bukod pa sa laging huli n’yang pagdating sa teyping.

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Kylie Padilla Robin Padilla Aljur Abrenica

Robin nalungkot balikan nina Kylie at Aljur imposible na

KITANG-KITA KOni Danny Vibas MAY YouTube channel na rin pala si Kylie Padilla at kamakailan ang naging guest n’ya …

Janina Raval

Janina Raval tatapatan ang pagpapa-sexy ni AJ Raval

HARDTALKni Pilar Mateo ALAM niyang hindi naman siya nagkakamali sa pinanghahawakan niyang intensiyon sa pagsalang sa mundo ng …

Maja Salvador Rhea Tan Beautederm

Rei Tan payag mag-ninang kina Maja at Rambo, sasagutin pa ang reception

FACT SHEETni Reggee Bonoan HINDI itinanggi ni Maja Salvador na may mga napag-uusapan na sila …

Yeng Constantino Mother Victor Asuncion

Yeng namatayan ng ina, nagka-covid pa silang mag-asawa

FACT SHEETni Reggee Bonoan GRABE ang pagsubok na dumaan sa buhay ng mag-asawang Yeng Constantino …

Isko Moreno Joven Tan

Yorme sa kumukuwestiyon sa kanyang kakayahan — Leadership is about who did good

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio “WALA ako rito kung wala ang showbiz.” Ito ang pagtanaw …

Leave a Reply