AMINADO si Maja Salvador na masuwerte siya at sa kanya ibinigay ang pinakabagong powerhouse drama offering ng ABS-CBN na Bridges of Love.
“It’s a big, big project na ibinigay sa akin,” ani Maja sa presscon ng Bridges of Love na nagtatampok din kina Jericho Rosales at Paulo Avelino.
Thankful din si Maja kahit second choice lang siya para sa role ni Mia Sandoval, isang club dancer. Si Anne Curtis ang sinasabing first choice para sa nasabing role.
At dahil isang club dancer ang role ni Maja, hindi maiaalis na maikompara siya kay Vilma Santos na gumanap ding isang star dancer ng club sa pelikulang Burlesk Queen. Pero ani Maja, hindi niya pinanood o iniwasan niyang panoorin ang pelikulang ito ni Vilma.
“Gusto ko sanang panoorin, kaya lang kasi, baka magaya ko. Hindi naman puwede na magaya ko ang ginawa ni Ms. Vilma Santos. So, mas maganda po na mag-create ako ng sarili kong version kung paano ang pagsasayaw ko.
“Ang ginagawa ko na lang talaga ay buong-puso kong ibinibigay kung ano ang character ko rito,” esplika ni Maja.
Ang Bridges of Love ay tinaguriang “story like no other,” dahil magtatampok ito sa malalim na ugnayan ng magkapatid na sina Gael (Jericho) at JR (Paulo), na pagbubuklurin ng pangako nila sa isa’t isa, paglalayuin ng isang malagim na trahedya, ngunit pag-uugnayin ng iisang babae.
Pinaghiwalay man ng mga pagkakasala at galit sa nakaraan, muling pag-uugnayin ng kasalukuyan sina Gael at Carlos sa pamamagitan ng pag-ibig sa iisang babae na si Mia (Maja), na magiging “greatest love” ni Gael at bubuo sa nawasak na puso ni Carlos.
Paano susubukin ng pagmamahal ang minsan nang nasirang relasyon ng magkapatid na sina Gael at Carlos? Sa huli, mapag-uugnay ba sila ng pag-ibig o tuluyan na silang paghihiwalayin?
Bukod kina Gael, Carlos, at Mia, matutuklasan din ng mga manonood ang misteryo sa buhay ng mayamang negosyante na kukupkop kay Carlos na si Lorenzo Antonio (Edu Manzano), at ng makapangyarihang socialite na si Alexa Meyers (Carmina Villarroel), na nananabik hilumin ang pusong sinugatan ng lalaking labis niyang minahal at pinagkatiwalaan.
Ang Bridges of Love ay idinidirehe nina Dado Lumibao, Will Fredo, at Richard Somes. Ito ay likha ng Star Creatives production, ang grupong naghatid sa primetime TV hits kabilang ang Princess and I, Got to Believe, The Legal Wife, at Forevermore.
ni Maricris Valdez Nicasio