Wednesday , May 14 2025
Alyana Nicolas pole vault ICTSI Philippine Athletics Championships
MATAAS ang paglipad ni Alyana Nicolas sa kanyang panalo sa women's pole vault title na may lundag na apat na metro sa pagsasara ng ICTSI Philippine Athletics Championships sa New Clark City Athletic Stadium sa Capas, Tarlac nitong Linggo.

Nicolas, matagumpay na naipanalo muli ang women’s pole vault title sa ICTSI PH meet

CAPAS, Tarlac – Muling pinatunayan ng Fil-Am na si Alyana Nicolas ang kanyang pagiging nangungunang babaeng pole vaulter ng bansa matapos matagumpay na maidepensa ang kanyang titulo sa women’s pole vault noong Linggo ng gabi sa pagsasara ng ICTSI Philippine Athletics Championships sa New Clark City Athletic Stadium dito.

Sa tulong ng hiyawan at suporta ng mga manonood, at bilang huling babaeng natira sa kumpetisyon, matagumpay na nalampasan ni Nicolas ang taas na apat na metro sa kanyang unang pagtatangka—isang taas na huling naabot niya noong 2019—para sa isang angkop na pagtatapos ng torneo na inorganisa ng Philippine Athletics Track and Field Association.

Pagkabagsak niya sa landing mat, tinakpan ni Nicolas ang kanyang bibig sa tuwa, pagkatapos ay tumayo at masayang kumaway sa mga tagahanga bilang pasasalamat sa kanilang suporta na siyang nagtulak sa kanya upang maisakatuparan ang tagumpay.

Nais makalahok sa darating na Asian Athletics Championships sa Gumi, South Korea sa katapusan ng buwan, pinalitan ni Nicolas ang kanyang pole at tinaasan ang bar sa entry standard na 4.10 metro. Ngunit, kapansin-pansing pagod na, hindi na niya nalampasan ang taas sa tatlong pagtatangka.

Nakamit naman ni Amy Christensen ng FILAM Sports ang pilak na medalya matapos ang kanyang pinakamahusay na lundag na 3.85 metro sa kanyang kahanga-hangang debut sa torneo na suportado ng ICTSI Sports Foundation at CEL Logistics.

Sa kabila ng mainit at maalinsangang kondisyon sa arena na siyang naging lugar din ng 2019 30th Southeast Asian Games, namayagpag din si UAAP Season 86 MVP Hussain Lorana sa men’s 800-meter run. Tumiwalag siya mula sa grupo sa huling 200 metro upang makuha ang ginto sa oras na 1:51.86.

Nagkaroon din ng bahagyang sorpresa sa men’s long jump, kung saan ang national record holder na si Leonard Grospe, na galing pa sa operasyon sa bone spurs sa kanyang kaliwang paa, ay nagtapos lamang sa ikatlong puwesto matapos ang 2.12 metrong talon.

Malayo ito sa kanyang national record na 2.21 metro na naitala noong 2023 edition ng parehong torneo na sinuportahan ng United Auctioneers Inc, Wireless Link, Milo, Pocari Sweat, Clark Water, Masiv Sports, EnergyA, at BCDA-New Clark City sa Philsports track oval sa Pasig City.

Nasungkit ng Malaysian na si Mohd Eizlan Dahalan ang gintong medalya sa talong 2.16 metro, habang nakuha ni Kent Bryan Celeste ang pilak (2.14 metro), sa torneo na suportado rin ng Philippine Sports Commission.

“Matagal ko nang hindi naaabot ang taas na apat na metro kaya’t sobrang proud ako sa sarili ko na nagawa ko ito sa tamang lugar at oras,” ani Nicolas.

“Salamat kay Amy sa pag-push sa akin. Alam kong marami pa akong maibibigay at excited ako para sa natitirang season,” dagdag pa niya habang katabi si Christensen.

Ayon pa kay Nicolas, kung hindi lang dahil sa matinding init at pagod mula sa dami ng talon, tiwala siyang makakaya niya ang 4.10 metro gamit ang mas matigas niyang pole.

Kahit pumangalawa, masaya naman si Christensen na makasali sa kumpetisyon. “Masaya ako para kay Aly. Matagal na kaming magkasama sa training ngayong season kaya nakakatuwa siya ang nanalo,” ani Christensen.

“Medyo disappointed lang ako sa performance ko ngayon. Hindi ako maganda ang lundag,” dagdag ng varsity athlete mula San Francisco State na ang ina ay mula San Fernando, Pampanga.

Pareho nina Nicolas at Christensen ang sasali sa PATAFA Pole Vault Challenge na inorganisa ng men’s pole vault ace na si Ernest John Obiena ngayon sa Vermosa Sports Hub sa Imus, Cavite.

Samantala, sinabi ni Lorana na naging dikit ang laban sa umpisa kontra kapwa national team member na si Dhem Ai Monton bago siya tuluyang bumitaw at kunin ang ginto sa ikatlong sunod na taon.

Pagod sa paghabol kay Lorana, bumagal si Monton at nagtapos sa ikatlo (1:53.19) habang ang isa pang teammate ay umarangkada papuntang pilak (1:52.50).

“Hindi ko rin nabreak yung personal best ko kasi po kulang ang recovery time sa pagitan ng heats, semis at finals,” paliwanag ni Lorana, na may personal best na 1:49.45.

Sa women’s heptathlon, nanaig si 2019 SEA Games gold medalist Sarah Dequinan sa score na 4,441 puntos, habang pumangalawa si Antonette Jay Aguilon ng FEU sa 3,651 puntos matapos ang pitong events.

Sa men’s at women’s 3,000-meter steeplechase, wagi sina Spectrum’s Junel Gobodia at Jessa Mae Roda sa oras na 9:12.11 at 11:09.37, ayon sa pagkakasunod. (HNT)

About Henry Vargas

Check Also

Shaunna Polley Olivia Macdonald Volleyball World Beach Pro Tour Futures Nuvali

Kiwis, kampeon muli sa BPT Futures Nuvali para sa ikalawang sunod na gintong medalya

NAKAMIT nina Shaunna Polley at Olivia Macdonald ng New Zealand ang kanilang ikalawang titulo sa …

Pia Cayetano Padel Pilipinas

Pia Cayetano nais palaguin ang Padel sa buong bansa

TULOY-TULOY ang suporta ni Senador Pia Cayetano para sa mga national coach at atleta ng …

Florentino Inumerable

Florentino Inumerable, kampeon sa 2025 Illinois Senior State Chess Championships

HINDI lang nagwagi kundi kampeon ang beterano at United States chess master na si Florentino …

Darell Johnson Bada Yukiho Okuma NTT Asia Triathlon Cup sa Subic

Nangibabaw sina Bada ng PH at Okuma ng Japan sa elite junior sa Subic International Triathlon

OLONGAPO City, Zambales – Nakopo ng Pinoy na si Darell Johnson Bada ang kampeonato sa …

Japan namayani sa NTT Asia Triathlon Cup sa Subic

Japan namayani sa NTT Asia Triathlon Cup sa Subic

 OLONGAPO CITY, Zambales – Namayani ang mga atletang Hapones sa elite division ng 2025 Subic …