PINANGUNAHAN ni dating Gov. Luis “Chavit” Singson ang pagpapasinaya sa matagal na niyang pangarap, ang kauna-unahang e-Jeepney assembly plant ng bansa sa Lima, Batangas.
Ang proyektong ito ay magbubukas ng bagong yugto sa sustainable at eco-friendly na transportasyon sa Pilipinas.
Ani Singson, nais niyang mabigyan ng pagkakataon ang mga tsuper sa modernong panahon.
“Eksaktong kinopya namin ang iconic na disenyo ng jeepney dahil ito ang hiling ng mga tsuper at transport groups. Kinakailangan din ito ng gobyerno.
“Ngunit ngayon, ginagawa natin itong sustainable,” pahayag ni Singson na matagal nang tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga transport workers.
Ang bawat unit ay nagkakahalaga ng P1.2-M kompara sa P2.5-P3-M presyo sa merkado, na kayang bawiin ng mga tsuper sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.
Bukod sa murang halaga ng jeepney, malaki rin ang maitutulong ng planta para makapagbigay ng trabaho sa humigit-kumulang 80 manggagawa na palalawakin pa sa Visayas at Mindanao.
“Hindi ito politika. Ayokong mabahiran ng kulay kaya ako nag-withdraw (sa pagtakbo bilang senador). Gusto ko ng solusyon,” giit pa ni Singson.
Nangako naman ni Rep. Richelle Singson ng Ako Ilokano Ako Party-list na ipagpapatuloy niya ang adhikain ng ama, “Itinutuloy namin ang laban ni Daddy.”
Aniya, pangungunahan ng Ako Ilokano Ako party-list ang pagtulong sa mga tsuper at operator sa harap ng hamon ng PUV modernization program.
Napakaganda ng proyektong ito ni Manong Chavit subalit nakakahadlang ang mabagal na pag-apruba ng ruta ng e-jeepney. Hinihintay nila ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na iproseso ang mga aplikasyon ng prangkisa para sa mga serbisyo sa transportasyon ng e-jeepney.
At habang naghihintay ng mga lokal na permit, sinabi pa ng dating gobernador na lumalaki ang internasyonal na interes. Ang Paraguay ay nag-order na ng 60 unit sa P2.5-M halaga bawat isa.
Aniya sa order ng Paraguay, isang deal makatutulong para mabawi ang kanyang gastos.
Suportado naman ng mga transport group ang proyektong ito ni Chavit. Ipinagpasalamat ni Orlando Marquez, presidente ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, ang planta.
“Si Manong Chavit, siya ang nakaisip na yumakap sa amin sa transportation, at lalo na sa LTFRB. Kami ay natutuwa dahil sa wakas naitayo na ang kauna unahang assembly plant ng ejeepney sa pilipinas,” ani Marquez.
Sinabi naman ni Zaldy Pingay ng Stop and Go Transport Coalition, “Nagpapasalamat kami kay Gov. Chavit dahil magbibigay ng napakamura, zero downpayment at interest.
“Filipino kukunin nilang workers, ‘yung magtatarabaho rito sa planta at service center. Maraming tarbaho ang ibibigay. Malaking tulong sa ating ekonomiya. Hindi namawawla na ang mukha ng jeepney,” sabi pa.
Ang planta ay bunga ng partnership ng LCS Group at E-MON Co. ng Korea, na nagdisenyo ng 27-seater na e-jeepney na pinagsama ang modernong teknolohiya at klasikong disenyong Filipino.
Idinagdag pa ni Singson na may buong suporta sa lokal na maintenance ang pasilidad na magpo-produce ng 500 unit bawat buwan.
“Kapag may nasira, maaayos natin dito,” saad ni Singson. “Target naming gumawa ng 500 unit bawat buwan, at dadami pa ito kung tataas ang demand.
“Lahat ay i-assemble sa planta ng mga Filipinong manggagawa. Dalawang oras lang at apat na trabahador para sa bawat unit,” aniya pa.