FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NGAYONG tapos na ang eleksiyon, pag-usapan naman natin ang matindi pero nakahihiyang katotohanan tungkol sa mga botanteng Filipino.
Ang pamimili ng boto, halimbawa, ay hindi na tulad nang dati na krimeng pinagbubulungan sa mga liblib na lalawigan, sa makikipot na eskinita sa siyudad, o sa saradong opisina ng mga angkan ng politiko at kanilang mga tauhan.
Isa na itong lantarang rituwal sa komunidad — kaswal, sistematiko, at nakababahalang pangkaraniwan na lang ngayon. Basta na lamang kumakatok sa mga pintuan sa Metro Manila, nababanggit sa parking lot ng simbahan pagkatapos ng misa, at pinagtsitsismisan ng mga nakatambay malapit sa panaderya, sa grocery, o sa palengke.
Garapalan na ito kaya naman kaswal lang na nababanggit ng mga bata sa mga pampublikong eskuwelahan kung sino-sinong politiko ang nagbigay sa kanilang mga magulang ng ayuda. Lumalaki ang susunod na henerasyon nang mulat na, hindi sa mga obligasyon sa lipunan, kundi sa mga transaksiyong politikal.
Ang dating ikinahihiya kaya palihim na ginagawa ay lantaran na ngayong pinag-uusapan — isang galawang pangkomunidad na nababalot sa pagbibigay-katuwiran at idinaraan sa biruan. Wala nang pagpapanggap ngayon ang mga botante na may pakialam sila sa mga plataporma, mga programa, o mga track record ng mga kandidato. Ang real talk ay umiikot na sa usapan ng presyohan: magkano kada ulo, aling kampo ang agarang nagbayad, at sino ang mas galante sa pamamahagi ng pera at groceries.
Maging ang mga nagrereklamo at dumudulog sa Comelec upang ibunyag ang ginagawa ng kanilang mga katunggali ay karaniwan nang kasing guilty ng kanilang isinusumbong, masama ang loob hindi dahil sa krimen kundi dahil sa kompetisyon.
Kaya hindi na nakagugulat na napansin ng international observers na nagmo-monitor sa ating eleksiyon ang matagal na nating alam: na ang dating pinagbubulungan lang ay umaalingawngaw ngayon sa mga probinsiya, barangay, at group chats.
Iniulat ng International Observer Mission (IOM) hindi lang ang garapalang vote-buying sa iba’t ibang probinsiya, kundi ang nakagugulat na lakas-loob na paggawa nito — na ang bayad ay umaabot sa P150 hanggang P5,000 kada botante. Hindi na kailangan maglihim pa; lumaki at tinubuan na siya ng mga binti para makapaglakad-lakad sa mga barangay halls at Facebook inboxes.
Kinailangan pang limitahan ng mga digital wallets ang kanilang transaksiyon upang maiwasan ang pagdagsa ng online payouts bago ang araw ng halalan. Mula sa envelopes na iniaabot sa dilim, hanggang sa cash transfers sa katanghaliang tapat, ang makinarya ng korupsiyon ay agarang nakapag-adapt sa teknolohiya.
Karamihan sa mga kasong ito ay kinasasangkutan ng mga political dynasty — pare-pareho ang kanilang apelyido at ang kanilang mga mukha, nakahambalang sa bawat poste ng koryente, habang ang kanilang kapangyarihan ay inugat na sa kanilang mga distrito. At kung hindi sila namamahagi ng mga ayuda, nire-red tag naman nila ang kanilang mga kritiko, tinatakot ang mga poll workers, at pinaiikot ang makinarya ng mga pagbabanta na para bang bahagi iyon ng kanilang playbook sa pangangampanya.
Nakatanggap ang Comelec ng mahigit 150 reklamo. Mas marami naman ang natuklasan ng IOM, kabilang ang dose-dosenang pagbabanta at pananakot sa mga botante at sa mga makakaliwang kandidato.
Hindi lamang ito tungkol sa palitan ng mga pera. Tungkol ito sa isang sistema na ginawa nang normal ang panunuhol at politikang may halong pambu-bully bilang mga pangunahing gawain sa pangangampanya — at mamamayan kaung kailan sa maraming pagkakataon, ay simpleng tinanggap na lang ito sa pagkikibit ng balikat, kung hindi man napapangiti.
Ang tunay na eskandalo ay hindi lang tungkol sa garapalang vote-buying — ito ay kung paanong naging bahagi na ito ng ating lipunan, sa paraang tinatawag ito bilang “tulong,” “ayuda,” at “balato.” Tinanggap natin ito nang maging pamilyar o nakasanayan na natin, kaya mas madali nang sikmurain.
Hanggang tayong mga botante mismo ang nakabalikwas mula sa bulok na kulturang ito, nang may pagmamadali at pagkadesmaya — hindi lang simpleng pamumuno — mananatili tayong kasabwat.
Maaaring magkakaiba ang presyo ng mga boto, pero ang kapalit nito sa ating demokrasya ay laging mas matindi.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.