Tanim-puno at tanim-pokpokk
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MAY kasabihan: kung ano ang puno, siya rin ang bunga.
Sa kaso nina Senator Loren Legarda at Batangas Representative Leandro Leviste, tila may ibang kahulugan ito.
Kilala si Legarda sa kanyang adbokasiya sa pagtatanim ng mga puno. Ang anak naman ay nasasangkot ngayon sa mga alegasyong may kinalaman sa umano’y ‘pagtatanim’ ng ebidensiya —- ayon sa info ‘tanim-pokpok’.
Matagal nang hindi magkasundo ang kampo nina Legarda at Executive Secretary Ralph Recto sa Batangas. Ngunit sa mga nakalipas na buwan, tila lumalim ang hidwaan at umabot na sa mga personal na akusasyon.
Nauna nang iniuugnay ni Leviste si Recto sa umano’y infrastructure budget scandal at naglabas pa ng mga picture na kalauna’y lumabas na AI-generated bilang bahagi ng kanyang mga paratang. Nanatiling tahimik si Recto sa simula, ngunit kalaunan ay tinawag si Leviste na “kulang sa pansin, pag-iisip, at pagmamahal.”
Mas seryoso ang sumunod na pangyayari. Sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) nadakip ang isang talent manager na nagsabing may plano umanong gamitin ang mga babae upang mai-frame up si Recto sa kasong human trafficking o tanim-pokpok. Ang pahayag na ito ay iniugnay kay Leviste at nananatiling bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.
Samantala, nagpataw ang Department of Energy (DOE) ng P24-bilyong multa laban sa Solar Philippines, ang kompanyang itinatag ni Leviste, dahil sa hindi pagtupad sa power commitments sa ilalim ng naantalang renewable energy contracts.
Nakahanda rin magsagawa ng preliminary investigation ang Office of the Ombudsman kaugnay ng mga reklamong may kinalaman sa umano’y paggamit ng kapangyarihan, sa tulong ng kanyang inang senadora, upang magkaroon ng prangkisa si Leviste at mamonopolyo ang solar power industry.
Hindi pa pinal ang mga kasong ito at nararapat lang na pairalin ang due process. Ngunit kung mapatutunayang may katotohanan ang mga alegasyon, hindi na ito simpleng bangayan sa politika. Isa na itong usapin ng pananagutan at integridad sa serbisyo publiko.
Sa panahong mas kailangan ng bansa ang maayos na pamamahala, walang puwang ang politikang inuuna ang personal na labanan kaysa kapakanan ng publiko. (30)