Bagong single ni Andrew E. na pinamagatang “Pasta” masarap pakinggan, gumawa agad ng ingay

Andrew E Pasta

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

SIGURADONG magiging big hit na naman ang new single ni Andrew E. na pinamagatang “Pasta”. Pasabog ang launching nito last July 29 sa G Side Superclub, bago ang kanyang 59th birthday salubong.

Mapapaindak ang lahat kapag narinig ang Pasta, very catchy kasi ito, kaya tiyak na magugustuhan ito ng madlang pipol.

Sa totoo lang, gumawa agad ng ingay ang naturang song dahil may kakaibang lyrics o version ito sa live performance.

Unang dinig pa lang namin sa Pasta sa launching nito, alam namin na kuwela ito sa mga ganoong lugar at pagtatanghal. Kaya nag-enjoy nang husto ang mga present sa nasabing bar. Masarap kasi pakinggan ang new song ni Andrew lalo na kapag may party o nagkakasiyahan ang grupo.

Ang ilang words na pinag-usapan ng madla at ng netizens ay hindi bahagi ng opisyal na lyrics ng kantang Pasta. Parang adlib o isiningit lang daw ito kumbaga, bilang bahagi ng pakikipagbiruan at pakikipag-interaksiyon sa live audience ng legendary rapper sa naturang launching. Kilala naman kasi si Andrew sa ganyang style bilang rapper.

Sa original na version ay mapapakingan ang lyrics na “Put a little more! Ibuhos mo!” Pero sa gabing iyon ay iba ang kinakanta ng karamihan ng nandoon sa event at ang lyrics ay naging, “PI mo! Ibuhos mo!” ang datingan. May iba pang lyrics na puwedeng isipin ng iba na medyo naughty, pero depende na rin ito sa nakikinig.

Ang titulong Pasta ay napili dahil ang pasta dishes daw, tulad ng Andrew E. songs ay bahagi ng panlasang Pinoy pero bihirang manatili sa isipan ng mga umo-order nito. Ayon pa kay Andrew, mas brutal at may pagka-naughty ang kanyang new single.

Anyway, pinasalamatan ni Andrew ang mga present sa kanyang single launching at party, kabilang dito sina Sam Verzosa kasama si Faith da Silva, Jeffrey Tam, Eric Nicolas, at iba pang kaibigan. Dumalo rin ang mga kapatid niya sa Dongalo Records.

Siyempre pa, kabilang sa pinasalamatan ni Andrew sa espesyal na gabing iyon ang kanyang pamilya at misis na si Ms. Mylene Espiritu.

Last July 30 ay official na ngang napapakinggan 

ang Pasta sa YouTube Music, Apple Music, Spotify, at iba pang digital music platforms. Ang Pasta ay bahagi ng upcoming album na “Wholesome… AGAIN?!”

Bukod sa bagong lungsad na single, kabilang din sa six-track album ang kantang “Interstellar” na collab nina Andrew at ng rapper son niyang si MC Ford Medina. Kaya Interstellar dahil ukol ito sa pag-ibig na nagbabaybay sa kalangitan, ayon pa kay Andrew E.

Abangan din ang “Andrew E. North America Tour 2026” na magaganap  sa US, Canada, at Australia. Una ay sa August 14 sa Royal Palace Event Venue. Special guest dito ni Andrew E. ang talented na singer, composer, at comedian na si Mojack. Kasama rin dito at sa susunod pang shows ang Jaw Tee (Salbakuta), Sixth Threat, Budz & Proy (Undadogs Rap Duo), at si Alvin Caraveo. Susunod ay sa San Leandro, California sa Aug. 23 sa Historic BAL Theatre, tapos ay sa San Antonio, Texas sa Aug. 29 sa Stable Hall, at Toronto, Canada sa Sept. 5 sa Canada Event Centre.