Giselle Sanchez, magpapatawa sa Japan sa pinakamalaking international comedy special!

Giselle Sanchez Japan

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

HINDI nagpapahuli ang Comedy Queen na si Giselle Sanchez! Matapos ang ilang dekadang pagpapatawa sa telebisyon, pelikula, teatro, at live shows, handa na niyang pasabugin ang Japan sa kanyang pinakamalaking international stand-up comedy special na pinamagatang “Bad Example”.

Kilala bilang “The Siren Star of Stand-Up”. maghahatid si Giselle ng bagong-bagong jokes, maiinit na banat, at walang prenong katatawanan sa isang LIVE audience sa Japan. Ito na ang isa sa pinakamalalaking Filipino comedy events na magaganap sa ibang bansa!

Mapapanood ang taping ng comedy special sa Higashibetsuin Kaikan Hall sa Nagoya, Japan sa 20 Setyembre 2026, dakong 5:00 ng hapon. Ang magandang balita? Libre ang admission para sa lahat ng NDM PLUS Platinum Members!

Ang Bad Example ay isang NDM Original Comedy Special na hatid ng NDMstudios at mapapanood ng mga miyembro ng NDM PLUS, ang Singapore-based entertainment platform na kilala sa world-class films, original shows, celebrity specials, at red-carpet exclusives.

Sa likod ng kamera, ang award-winning filmmaker na si Nijel de Mesa, ang siyang direktor at producer ng espesyal na palabas.

Lalo pang pinatindi ang tawanan dahil kasama sa writers’ room ang mga beteranong comedy writers ng Bubble Gang na sina Henry Maceda at Ferdie Aguas, kasama rin sina Patrick Alcantara at Jarvin Pastor ng Pencil Box. Kaya asahan ang sunod-sunod na biruan at walang tigil na halakhakan!

Sikat sa kanyang matapang na opinyon, mabilis na banat, at mga punchline na tumatagos, siguradong ibang klaseng comedy experience ang ihahain ni Giselle — isang palabas na tunay na Pinoy pero swak na swak din sa mga manonood sa ibang bansa.

Incidentally, ang poster design na makikita rito ay gawa mismo ng anak ni Giselle na si Lia Buencamino.

Para sa mga katanungan, makipag-ugnayan kay Artist Orbista sa 080-3669-2696.

Humanda na! Dahil kung akala mo’y nakita mo na ang pinakawalang preno na si Giselle Sanchez… mag-isip kang muli!

Ang BAD EXAMPLE ang comedy special na tiyak na magpapaiyak sa ‘yo…

sa katatawa!