Pinas, bumawi sa Laos; 4-1 panalo sa Hyundai Cup

PMNFT Football ASEAN Championship-Hyundai Cup

VIENTIANE, Laos — Matinding pagbawi ang ipinamalas ng Philippine Men’s National Football Team (PMNFT) matapos tambakan ang Laos, 4-1, sa National Stadium upang buhayin ang kampanya nito sa 2026 ASEAN Championship-Hyundai Cup.

Mula sa kabiguang 1-4 kontra Myanmar noong nakaraang Martes, bumangon ang Pinoy booters sa pamamagitan ng apat na magkasunod na goal sa second half matapos maiwan ng 0-1 sa halftime.

Ayon kay Philippine Football Federation (PFF) President John Anthony Gutierrez, ipinakita ng koponan ang tunay na tibay ng loob sa gitna ng matinding pagsubok.

“Matapos ang masakit na 1-4 na kabiguan laban sa Myanmar, malaking patunay ng karakter at determinasyon ng koponan ang ipinakita nila laban sa Laos. Hindi sila nagpadaig sa pressure at bumawi nang may disiplina, walang humpay na atake at buong puso,” ani Gutierrez.

Ipinaliwanag din niya na malaking hamon ang torneo dahil hindi ito isinagawa sa FIFA international window kaya maraming manlalaro ang hindi pinayagang makalaro ng kani-kanilang mga club.

“Sa kabila nito, nabuo namin ang pinakamalakas na koponang maaari naming tipunin at buong tiwala kami sa bawat manlalarong nagsakripisyo upang katawanin ang bansa,” dagdag niya.

Babalik ngayon ang Pilipinas sa sariling lupa para sa mahalagang Group B clash laban sa Thailand sa Agosto 4, alas-9:00 ng gabi sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac.

Iginiit din ni Gutierrez na ang pag-unlad ng football sa bansa ay isang pangmatagalang proseso.

“Bahagi ng football ang panalo at pagkatalo. Ang mahalaga ay kung paano bumabangon, natututo at patuloy na lumalakas ang isang koponan,” aniya.

Nagpasalamat din siya sa patuloy na suporta ng mga Pilipinong tagahanga.

“Salamat sa lahat ng sumusuporta sa aming pambansang koponan. Sa mga pumupuna, nauunawaan namin na bunga ito ng inyong pagmamahal sa football. Ngunit mas uunlad lamang ang Philippine football kung magkakaisa tayong may paggalang sa isa’t isa,” sabi ni Gutierrez.

Dahil sa panalo, umangat ang Pilipinas sa tatlong puntos sa Group B at naitabla rin ang pinakamalaking panalo nito kontra Laos sa ASEAN Championship, kapantay ng 4-1 tagumpay noong 2014 sa Hanoi.

“The main target was to win and to stay in the competition and we did that,” ani team manager Patrick Reichelt, na siya ring umiskor ng dalawang goal sa panalo kontra Laos noong 2014.

Pinuri rin ni head coach Carles Cuadrat ang ipinakitang reaksiyon ng kanyang mga manlalaro.

“Maganda ang naging tugon ng mga bata sa second half. Naunawaan nila ang kailangang baguhin at ipinakita nila ang tamang karakter upang makuha ang panalo,” ani Cuadrat.

Naunang nakalamang ang Laos sa ikapitong minuto matapos makasunod si Damoth Thongkhamsavath sa naisalbang tira ni goalkeeper Quincy Kammeraad.

Ngunit limang minuto lamang ang lumipas ay nabawasan ng isang manlalaro ang Laos nang mapatawan ng direktang red card si Phetdavanh Somsanith dahil sa delikadong foul kay Jarvey Gayoso.

Hindi pa rin nakapantay ang Pilipinas bago ang halftime sa kabila ng sunod-sunod na opensa nina Kenji Nishioka at Daisuke Sato.

Pagbalik mula sa pahinga ay agad bumawi ang PMNFT.

Sa ika-47 minuto, naitala ni John Lucero ang kanyang unang goal para sa senior national team matapos tapusin ang pasa ni Scott Woods upang itabla ang iskor sa 1-1.

Makalipas ang limang minuto ay naipuwersa ng Pilipinas ang sariling goal ng Laos matapos maipasok ni Viengxay Sidavong ang tumamang tira ni Cole Mrowka.

Pinalobo ni Jarvey Gayoso sa 3-1 ang kalamangan sa ika-60 minuto matapos maipasok ang penalty kick na iginawad kasunod ng VAR review dahil sa handball ng Laos.

Tinuldukan naman ni team captain Daisuke Sato ang panalo sa ika-88 minuto sa pamamagitan ng isang malinis na header mula sa free kick ni Nishioka.

Ayon kay Gutierrez, higit na tumibay ang koponan matapos ang kabiguan sa Myanmar.

“Hindi naging madali ang mga sumunod na araw, ngunit nanatiling nagkakaisa ang mga manlalaro, coaches at support staff. Natuto sila sa pagkatalo at ipinakita ang katatagan na kailangan upang maging matagumpay na koponan,” aniya.

Samantala, sinabi ni Kenji Nishioka na naging susi sa panalo ang mga pagbabagong ginawa nila sa halftime.

“Naayos namin ang mga pagkukulang at nagamit namin ang mga espasyong ibinigay ng depensa ng Laos kaya nakahanap kami ng paraan upang makalusot at makaiskor,” ani Nishioka. 

Hinikayat ng Philippine Football Federation (PFF) ang mga Pilipinong tagahanga na patuloy na suportahan ang pambansang koponan at sundan ang kanilang mga opisyal na Facebook at Instagram page para sa mga pinakabagong balita sa laban, impormasyon sa tiket, at mga detalye ng transportasyon. (PSC/HNT)