Tagaytay handa na sa 10th Aerobic Gymnastics Asian Championships
SINA Arcenio Cadios at Charmaine Dolar matapos magwagi ng silver medal sa mixed pair event sa nakaraang Southeast Asian Games sa Bangkok. (PSC photos)
HANDA na ang Gymnastics Association of the Philippines sa pagsasagawa ng 10th Aerobic Gymnastics Asian Championships na inihahandog ng Philippine Sports Commission, na magsisimula ngayong Miyerkules sa Tagaytay CT Velodrome sa Tagaytay City.
Ayon kay GAP president Cynthia Carrion, target nilang mapantayan o higitan pa ang matagumpay na pagdaraos ng World Championships noong nakaraang taon.
“Napakataas ng naging pamantayan natin noong nakaraang World Championships kaya nais nating mapantayan o malampasan pa ito sa nalalapit na torneo,” ani Carrion.
Binigyang-diin din niya na matagal nang hindi nagho-host ang Pilipinas ng isang Asian gymnastics championship kaya determinado ang organisasyon na maipakita ang pinakamahusay nitong paghahanda para sa lahat ng delegasyong darating sa Tagaytay.
Ipinagmamalaki rin ni Carrion na idaraos ang torneo sa isang natatanging venue matapos gawing modernong aerobic gymnastics arena ang Tagaytay CT Velodrome, na napapalibutan ng malamig na klima at tanawing nakaharap sa Lawa ng Taal.
“Magugulat ang ating mga atleta, coach at opisyal sa naging pagbabago ng indoor cycling oval tungo sa isang world-class aerobic gymnastics venue,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat din si Carrion kina Abraham ‘Bambol’ Tolentino, Tagaytay City Mayor Brent Tolentino at Vice Mayor Agnes Tolentino sa kanilang suporta upang maisakatuparan ang torneo sa kabila ng limitadong panahon ng paghahanda.
Lalahukan ang kompetisyon ng mga junior at senior aerobic gymnasts mula sa Cambodia, Chinese Taipei, Hong Kong, India, Indonesia, Japan, Kyrgyzstan, Mongolia, South Korea, Thailand, Vietnam at host Philippines.
Paglalabanan ang mga medalya sa men’s at women’s individual, mixed pair, trio, group, aerobic dance at aerobic steps sa senior (18-anyos pataas), junior (15-17) at youth (12-14) divisions.
Inaasahang magiging mahigpit ang labanan lalo na sa senior division dahil gagamitin ng India ang torneo bilang bahagi ng pagpili ng kanilang pambansang koponan para sa 19th Aerobic Gymnastics World Championships sa Setyembre sa Pamplona, Spain.
Pangungunahan naman nina Arcenio Cadios at Charmaine Dolar ang kampanya ng Pilipinas matapos magwagi ng silver medal sa mixed pair event sa nakaraang Southeast Asian Games sa Bangkok.
Malaki rin ang inaasahan kina Dorothy Grace Grade, Danielle Grade at Princess Johanna Pama sa women’s trio event habang inaasahang makikinabang sina Cadios at Dolar sa home-court advantage sa individual events. (PSC/HNT)