Maharlika Pilipinas Pickleball Tour
12 koponan handa na sa inaugural season ng MPPT
PINANGUNAHAN ni MPPT Founder at Chairman Manny Pacquiao (gitna) kasama ang mga team owners na sina (mula sa kaliwa) Roy Bacalso ng Gensan Punchers, Bangued Mayor Pope Cardenas, Benjamin Ascue ng Batangas Bangers, Alfonso Mayor Randy Salamat ng Alfonso Siklab, Pia Cabral ng Rizal Ilustrados, MP Karla Estrada ng Tacloban Padayon Aces, Tayum Mayor Glen Eduarte ng Bangued, Amiel Sarion ng Pampanga Chefs, Long Kuan ng Parañaque Titans, at Dennis Abella ng Bacoor Strikers. Wala sa larawan ang mga kinatawan ng Muntinlupa at Cam Norte sa inilunsad na Maharlika Pilipinas Pickleball Tour (MPPT) sa ginanap na Social Gathering at Press Event sa Dusit Thani Hotel sa Makati City. (HENRY TALAN VARGAS)
PORMAL nang inilunsad ng Maharlika Pilipinas Pickleball Tour (MPPT) ang 12 founding teams na bubuo sa kauna-unahang propesyonal na pickleball league sa bansa sa ginanap na Social Gathering at Press Event sa Makati City.
Kabilang sa mga unang koponan ang mga prangkisa mula sa Gensan, Tacloban, Batangas, Parañaque, Muntinlupa, Rizal, Alfonso (Cavite), Camarines Norte, Pampanga, Bacoor, Bangued at Abra.
Layunin ng liga na pag-isahin ang mga komunidad mula Luzon, Visayas at Mindanao habang binibigyan ng mas malaking oportunidad ang mga Pilipinong atleta na makipagsabayan sa pinakamataas na antas ng pickleball. Kasabay nito, inilatag din ng MPPT ang roadmap at pangmatagalang plano para sa pagpapalago ng isport sa bansa.
Ayon kay MPPT Founder at Chairman Manny Pacquiao, hindi lamang basta torneo ang kanilang binubuo.
Ani Pacquiao, ang 12 founding teams ang magsisilbing pundasyon ng kasaysayan ng MPPT at magiging susi sa pagpapalawak ng pickleball sa buong Pilipinas, habang hinuhubog ang susunod na henerasyon ng mga atleta.
Samantala, sinabi ni Chief Executive Officer Joseph Paulo Ramos na ang suporta ng mga unang prangkisa at league partners ang naging matibay na sandigan upang maisakatuparan ang pangarap na magkaroon ng isang propesyonal at matatag na pickleball league sa bansa.
Bagama’t hindi nakadalo sa programa, nagpahayag naman si MPPT Commissioner Mark Espinosa ng kanyang buong suporta sa inaugural season.
Ayon kay Espinosa, sisikapin ng MPPT na maghatid ng isang kompetisyong nakabatay sa integridad, kahusayan at patas na laban para sa lahat ng koponan at atleta.
Nagtapos ang programa sa fellowship gathering at media interviews habang puspusan na ang paghahanda para sa unang torneo ng liga.
Sa pagbuo ng 12 founding teams, handa nang simulan ng Maharlika Pilipinas Pickleball Tour ang isang makasaysayang unang season na inaasahang magpapalawak pa sa kasikatan ng pickleball sa buong bansa. (MPPT/HNT)