Katrina Halili magpapakasal na kay Kris Lawrence
MA at PA
ni Rommel Placente
DAHIL mahal pa rin ng singer na si Kris Lawrence ang dati niyang live-in partner na si Katrina Halili, kaya muli niya itong nililigawan. Gusto niya na magkabalikan sila ng aktres.
Sa tanong namin kay Katrina kung sinagot niya na ulit si Kris, ang sagot niya, ”Hindi pa po.”
Sundot na tanong namin sa kanya, kung papunta na roon, na sasagutin niya si Kris, ang sabi niya, “Baka papunta naman po roon.”
Na ang ibig niyang sabihin ay posible na maging sila ulit ng tatay ng anak nilang si Katie.
Kung sakaling magkabalikan sila ni Kris, mapupunta na ba ‘yun sa kasalan?
“Let’s wait and see,” ang tanging sagot niya.
Nakausap namin si Katrina pagkatapos rumampa sa Maddox Iconic Runway Diamond Jewelry Fashion Show 2026, na ginanap noong Huwebes ng gabi.
Ang owner ng Maddox Jewelry ay si Ms. Charo Cordial, na ayon sa kanya, ang Maddox ay kinuha niya mula sa pangalan ng kanilang anak na si Maddox.