Robin, Vico, Grace pasok sa ‘Magic 12’ senatorial race 2028
SIPAT
ni Mat Vicencio
PATULOY sa pangunguna at pasok sa ‘Magic 12’ sina Senator Robin Padilla, Mayor Vico Sotto at dating Senator Grace Poe sa senatorial race survey na isinagawa ng tatlong malalaking research firm na Octa, WR Numero, at Tangere nitong buwan ng Hunyo at Hulyo.
Sa senatorial survey ng Octa halos magkakadikit sina Robin, Grace at Vico. Si Robin ay nakakuha ng 53.9 percent, si Grace 44.5 percent, at si Vico ay nakapagtala ng 42 percent.
Sa WR Numero survey, patuloy sa pangunguna si Robin, pumangatlo si Vico at nasa ika-apat na puwesto naman si Grace. Si Robin ay nakakuha ng 39 percent, si Vico 36 percent at si Grace ay 34 percent.
Sa Tangere survey, namayagpag naman si Senator Raffy Tulfo, pumangalawa si Vico, pumangatlo si Grace, at pumasok sa ika-7 puwesto si Robin. Si Raffy ay nakakuha ng 37.6 percent, si Vico ay 36 percent, samantalang si Grace ay 35.6 percent.
Ang senatorial survey 2028 ay isinagawa ng Octa nitong July 4 – 11, samantalang ang WR Numero ay Hunyo 9 – 16 at Tangere naman ay Hunyo 23 – 27.
Kung mapapansin, sa kabila ng kapalpakan at patuloy na pagbatikos laban kay Robin bilang senador, marami ang nagtataka kung bakit nangunguna pa rin siya sa mga senatorial suvey at laging pasok ‘Magic 12’.
Ang mga pagbatikos tulad sa bobo, tanga, row 4, ex-convict, at babaero ang dahilan kung bakit patuloy ang pamamayagpag ni Robin sa mga survey. Ayaw na ayaw ng mga Pinoy na inaalipusta, inaapi at kinakawawa ang kanilang kababayan.
Ito ang tinatawag na ‘FPJ formula’ na ginagawa ni Robin. Nagpapabugbog muna sa simula at bumabangon, lalaban, at magtatagumpay sa huli. Malinaw ang taktikang ito ni Robin at napatunayan sa mga resulta ng senatorial survey.
Si Vico, hindi mahirap intindihin kung bakit laging kasama sa ‘Magic 12’ dahil na rin sa kanyang imahen na Mr. Clean — malinis at walang kurakot.
Si Grace naman, pinatunayan na ang pagiging isang babae ay hindi kahinaan at hadlang sa pagtupad ng kanyang tungkulin lalo na nang mahalal bilang senador. Ipinagpatuloy ni Grace ang mga naiwang laban ng kanyang amang si Fernando Poe Jr.
Inaasahan ng marami na magiging matagumpay si Grace sa senatorial race 2028.(30)