PFF, pinuri ang tapang ng PMNFT sa kabila ng mga pagsubok sa Hyundai Cup
VIENTIANE, Laos — Ipinagmalaki ni Philippine Football Federation (PFF) president John Anthony Gutierrez ang ipinakitang katatagan at dedikasyon ng Philippine Men’s National Football Team (PMNFT) matapos bumawi at durugin ang Laos, 4-1, sa kanilang kampanya sa 2026 ASEAN Championship–Hyundai Cup.
Ayon kay Gutierrez, higit pa sa iskor ang naging kahalagahan ng panalo dahil sa matitinding hamong hinarap ng pambansang koponan bago ang laban.
“Labis kaming ipinagmamalaki ang bawat manlalarong tumugon sa panawagang katawanin ang ating bansa. Buo ang aming tiwala sa koponang ito at suportado namin sila sa panalo man o pagkatalo,” ani Gutierrez.
Dagdag pa niya, batid ng PFF ang dedikasyon, sakripisyo at pagmamalaking ipinapakita ng mga manlalaro sa tuwing isusuot nila ang kulay ng Pilipinas.
Mula sa 0-1 pagkakaiwan sa halftime, bumangon ang PMNFT sa ikalawang yugto sa pamamagitan ng apat na sunod na goal.
Nagtala ng mga goal sina John Lucero, Jarvey Gayoso at Daisuke Sato, habang nakadagdag pa ang sariling goal ng Laos upang maselyuhan ang unang panalo ng Pilipinas sa torneo.
“Normal sa football ang manalo at matalo. Ang pinakamahalaga ay kung paano bumabangon ang isang koponan, patuloy na umuunlad at lumalakas. Ang panalong ito ay mahalagang tugon at isa pang hakbang sa pagbuo ng mas matatag na pambansang koponan para sa hinaharap,” sabi ni Gutierrez.
Nagpasalamat din ang opisyal sa walang sawang suporta ng mga Pilipinong tagahanga.
“Maraming salamat sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa ating pambansang koponan. Sa mga nakisaya sa aming tagumpay, maraming salamat. Sa mga bumabatikos, nauunawaan namin na bunga iyon ng inyong malasakit at hangaring makita ang pag-unlad ng football sa Pilipinas,” aniya.
Binigyang-diin din ni Gutierrez na nararapat manaig ang respeto at pagkakaisa upang higit pang mapaunlad ang football sa bansa.
Ipinaliwanag din niya ang natatanging hamon ng Hyundai Cup dahil hindi ito isinasagawa sa loob ng FIFA International Match Calendar.
Ayon sa kanya, kahit nagsumikap ang PFF na makiusap sa mga internasyonal na club upang palayain ang kanilang mga manlalaro, hindi lahat ay nakadalo dahil sa kani-kanilang obligasyon sa mga koponan.
“Ganito ang sitwasyon hindi lamang ng Pilipinas kundi maging ng iba pang bansang kalahok sa kompetisyon,” ani Gutierrez.
Dahil sa panalo, umakyat ang Pilipinas sa tatlong puntos sa Group B at naitabla ang pinakamalaking winning margin nito laban sa Laos sa kasaysayan ng ASEAN Championship.
Susunod na haharapin ng PMNFT ang Thailand sa Agosto 4 sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac sa isang mahalagang laban para sa kampanya nito sa Hyundai Cup. (PSC/HNT)