Alas Girls, handa sa mahabang biyahe at matinding laban sa Chile
IPINAGKALOOB ni PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy (panglima mula sa kaliwa, nakaupo) ang send-off sa Alas Pilipinas Girls U17 bago ang kanilang paglipad patungong Chile para sa FIVB Volleyball Girls' U17 World Championship na gaganapin mula Agosto 6 hanggang 16. Kasama sa larawan ang mga manlalaro, coaching staff at opisyal ng koponan na magdadala ng bandila ng Pilipinas sa prestihiyosong pandaigdigang torneo. (PSC Photo)
MANILA — Haharap agad sa pagsubok ang Alas Pilipinas Girls U17 bago pa man sumabak sa FIVB Volleyball Girls’ U17 World Championship matapos ang halos 32-oras na biyahe mula Maynila patungong Chile.
Pinangunahan nina Megan Yesha Hernandez ng University of Santo Tomas, Xyz Ellen Rayco ng National University, Sharina Rhyza Lleses ng King’s Montessori School, Cristina Madela Gale ng Bacolod Tay Tung at Caera Celis ng St. John’s Institute Bacolod City ang koponang bumiyahe noong Lunes para sa 24-nation tournament na idaraos mula Agosto 6 hanggang 16.
Ayon kay head coach Edwin Leyva, makatutulong din ang mahabang biyahe upang mas tumibay ang samahan ng koponan bago ang kanilang mabigat na kampanya.
“Umaasa kaming mas lalo pang mabuo ang samahan ng mga manlalaro sa mahabang biyahe. Maikli lang ang naging panahon ng aming paghahanda, pero ginawa namin ang lahat ng makakaya. Naniniwala ako sa koponang ito at sa kakayahan ng bawat isa,” ani Leyva.
Si Leyva ang gumabay sa Pilipinas sa ikalimang puwesto sa Asian Volleyball Confederation U16 Women’s Championship, na naging susi upang makapasok ang bansa sa world championship.
Nanawagan din siya sa sambayanang Pilipino na ipagdasal at suportahan ang koponan.
“Umaasa kami sa suporta at panalangin ng buong bansa. Ibibigay namin ang aming buong makakaya at lalaban kami para sa Pilipinas,” dagdag niya.
Kasama rin sa Alas Pilipinas sina Resty Jane Olaguir at Jhenica Sadia ng Ateneo, Taj Arkhea Teves ng UST, Nadeth Faye Herbon ng Leyte National High School at Jello Andrea Mauricio ng San Felipe Neri Catholic School.
Nasa lineup din sina Jhaynna Love Bulandres, Irish May Mahinay, Princess Khaira Manzano at Frances Dianne Ramos ng National University.
Ang ika-25 ranggong Pilipinas sa mundo ay kabilang sa Pool B kasama ang world No. 1 China, gayundin ang Mexico, Peru, Tunisia at Venezuela.
Target ng Alas Girls na makapagpakitang-gilas at makipagsabayan sa pinakamahusay na mga batang koponan sa buong mundo habang tangan ang bandila ng Pilipinas. (FIVB/HNT)