Wednesday , May 1 2024
AlDub, Alden Richards, Maine Mendoza

Alden buking lumang post ni Maine nakalkal

HATAWAN
ni Ed de Leon

MAY mga fan na nagsasabi ngayong walang katotohanan ang sinabi ni Alden Richards sa interview sa kanya ng King of Talk na si Boy Abunda,na noon ay nagkagusto rin siya sa ka-love team na si Maine Mendoza, pero ni hindi lang niya matandaan kung ang damdaming iyon nga ba ay naipaabot niya sa dating ka-love team.

Hindi na iyon sinalo ng tanong ng King of Talk, bilang respeto nga siguro kay Maine at maging kay Congressman Arjo Atayde na kakakasal lang. Baka nga hindi pa natatapos ang honeymoon stage ng dalawa papasukan mo pa agad ng ganyang usapan. Palagay din naman namin hindi na sasagot si Alden kung nagkaroon man ng follow up question. Pero ang sagot na iyon ni Alden ay nakapaghatid ng kakaibang kilig sa fans. Hindi man nagkatuluyan ang kanilang mga idol, “nagkagustuhan” naman palang talaga. 

Pero may ilang fans na nagpalabas ng isang pasabog at sinabing hindi totoo ang sinabi ni Alden, kasi nga nakita nila ang isang nasabi ni Maine sa kanyang social media account, na kahit na dinelete rin niya agad iyon ay nakita na ng fans at marami ang nakagawa ng screen shot ng nasabing post.

Sinabi ni Maine sa nasabing post na pagkatapos daw ng kanilang Tamang Panahon Concert, nagkita sila ni Alden sa isang rehearsal, at hinihintay niyang batiin siya ni Alden sa kanilang naging tagumpay, at inaasahan niyang pagkukuwentuhan nila ang nangyaring iyon, pero ni wala raw sinabi o binanggit man lang si Alden. 

Maliwanag sa post na nasaktan si Maine, dahil parang walang halaga kay Alden ang kanilang love team. Hindi naman siguro masasabi na hinihintay ni Maine na ligawan siyang talaga ni Alden, ang hinahanap lang naman niya ay kaunting pagpapahalaga bilang ka-love team.

Pero hindi nga raw iyon nakita ni Maine sa ka-love team niya. Kaya siguro iyon din ang dahilan kung bakit nawalan na rin siya ng gana sa kanilang team up, at nang may manligaw sa kanya, hindi na niya inisip ang love team, sinagot niya agad iyon at naging boyfriend na nga si Arjo. Talaga namang nilabanan din iyon ng fans, pero siguro naisip ni Maine na uunahin pa ba niya ang love team kaysa personal niyang buhay? 

Tumatanda na rin naman siya at gusto na niyang magkaroon ng sariling pamilya. Kaya nga maski na galit ang fans inuna ni Maine ang sarili niyang buhay at kamakailan ay nagpakasal na kay Arjo. Roon naman nagsimula ang isang panibagong rebolusyon na naman ng fans at sinasabi nilang ibo-boycott nila ang lahat ng projects na gagawin nina Alden at Maine maliban na lang kung silang dalawa ang magkatambal. 

Alam din naman nilang hindi totoo iyon pero may fans pang nagpipilit na fake raw ang kasal nina Maine at Arjo, dahil kasal na si Maine kay Alden three years ago pa at may tatlo na nga raw silang anak. Ilusyon talaga dahil paano namang magkakaroon si Maine ng tatlong anak kay Alden nang ni minsan ay hindi naman iyon nabuntis?

Pero dahil sa interview ngayon hindi lang ang pagpapakasal ni Maine kay Arjo ang ikinagagalit nila, kundi ang naungkat pang sinabi ni Maine na hindi pinahalagahan ni Alden ang kanilang love team, katunayan na hindi man lang sila naging magsyota kaya umaapoy na naman sila sa galit.

Tanggap naman iyon ni Alden, at nang tanungin siya tungkol sa kanyang fans, ang isinagot niya, “they are not perfect, I am not perfect. No one is perfect pero kahit na ganoon gusto ko lang ipaalam sa kanila na mahal na mahal ko sila, at nalalaman ko kung ano ang paghihirap at sakripisyo nila para sa amin,” sabi pa ng actor.

Pero mukhang kahit na ang sinabing iyon ng actor ay hindi makakapagpahupa ng galit ng AlDub Nation dahil sa muling kumalat na post ni Maine noong araw. Ano kaya ang magiging epekto niyan sa pelikula nila ni Julia Montes na hindi lang siya leading man kundi isa rin sa mga producer?

Ano ang kahihinatnan ng pelikula nila ni Sharon Cuneta sa festival kung ibo-boycott nga rin iyon ng Aldub nation? Walang dudang inasahan din iyon ni Sharon para maibangon ang kanyang malamig na career, pero kung iyon ay babagsak dahil sa boycott, back to zero na naman si Sharon kahit na maging hit pa ang concert nila ni Gabby Concepcion sa buwang ito.

About Ed de Leon

Check Also

Globe Hapag Movement  Project PEARLS

Globe’s Hapag Movement reaches global audience with new international partner Project PEARLS 

Globe broadens the reach of the Hapag Movement, its advocacy to alleviate involuntary hunger, as it teams up …

ABS-CBN AMBS 2

ABS-CBN isasalba ng AMBS

COOL JOE!ni Joe Barrameda PUMIRMA kamakailan ang Advance Media Broadcasting System (AMBS) in partnership sa ABS-CBN Corporation para maghatid …

Camille Villar

Camille aminadong nag-enjoy sa buhay-showbiz

COOL JOE!ni Joe Barrameda ISANG masayang lunch invitation ang natanggap namin mula kay Congresswoman Camille Villar …

Marven Marco Gallo Heaven Peralejo

Marco at Heaven kaya ang LDR—chemistry between two people is more important

RATED Rni Rommel Gonzales ANG bagong pelikula nina Heaven Peralejo at Marco Gallo na Men Are From QC, Women Are …

Marion Aunor Cool Cat Ash Lala Aunor Vic del Rosario

Marion Aunor inuulan ng blessings, nagpasalamat sa Star Awards for Music at sa kanyang Mommy Lala

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio MISTULANG inuulan na naman ng blessings ang talented na singer/songwriter …