Wednesday , May 1 2024

Gabby ‘di mabanggit apelyidong Pangilinan ni Sharon; following ng kanilang loveteam matindi pa rin

HATAWAN
ni Ed de Leon

ANG talagang usapan, hindi magkikita sa press conference ng Dear Heart The Reunion Concert sina Gabby Concepcion at Sharon Cuneta. Darating si Gabby ng 12 noon at matatapos ang parte niya ng 1:30 p.m..  Tapos magkakaroon ngt 30 minutes break, at saka naman papasok si Sharon ng 2:00 p.m..

Pero masyadong maraming mga tanong na ibinato kay Gabby at sinasagot naman niya ng maganda kaya nagtuloy-tuloy iyon hanggang 2:00 p.m.. Hindi naman naghintay si Sharon na umalis si Gabby, pumasok siya sa ballroom, kaya nagtagpo sila bago pa man ang reunion concert. May bouquet of flowers na iniabot si Gabby kay Sharon, na ang biro pa niya ay, “binili ko iyan sa Quiapo kanina.”

Tapos nang siya ang magpakilala kay Sharon ang sinabi niya ay, ”Here she is Ms. Sharon, dati Concepcion ito eh, pero hindi bale Sharon na lang.” Na para bang ayaw niyang banggitin iyong Pangilinan. 

At natural nagsigawan na ang fans na nakapuslit sa press con, nagkagulo rin naman ang press people na nagtayuan na, lahat ay hawak ang cellphones nila at may kumukuha ng litrato, ang iba ay video pa. Tapos lalong nagkagulo nang sabihin ni Gabby na, “can I ask for a hug bago ako umalis.” Na pinayagan naman ni Sharon kaya niyakap siya ni Gabby at hinalikan sa pisngi. Sigawan na naman sa venue ng presscon. 

Mayroon pang ang palagay ay hindi maganda ang kuha nilang pictures at nagsisigawan pa ng “once more.” 

Pero hindi na iyon napagbigyan ng dalawang stars. Tama na nga naman ang isang halik, after all hindi nga sila dapat na nagkita sa presscon na iyon.

Iba rin ang tono ng mga salita ni Sharon, bagama’t sinabi niyang wala na talaga sa isip niya si Gabby, kung sabihin niya ay, “he was the boy I used to love.” Na siyempre nasusundan naman ng hagikgikan ng ibang naroroon na kinikilig lahat.

Iyan ay katunayan lamang na sa kabila ng mahigit na tatlong dekada na silang hiwalay, matindi pa rin ang following ng kanilang love team. Naging isang malaking hit ang una nilang pelikulang Dear Heart na ginawa ng Sining Silangan Films

Nasundan iyon ng isa pang malaking hit, iyong PS I Love You na sa Viva na. Tapos matagal silang hindi nagtambal, ipinartner si Sharon sa ibang leading man, pero hindi gaanong naging malaki ang mga pelikulang iyon. Medyo tumagilid ang isang pelikula ni Sharon nang masabayan ng sexy film ni Claudia Zobel.

Noon naman pinag-aralan ang pagpapalit niya ng image mula sa pagiging isang school crush tungo sa pagiging isang aktres, ibinalik ang tambalan nila ni Gabby and the rest is history. Si Sharon ang lumabas na pinakamalaking star ng panahong iyon.

Matagal na namang nagbakasyon si Sharon at lumamlam ang kanyang career. Itinambal siya sa mga dati niyang leadingman noong araw, pero hindi masyadong kinagat ng mga tao, kaya iisa ang kanilang sinasabi, kailangan siyang makipag-team muli kay Gabby. Pero may mga kondisyon ng bago si Gabby, sinabi niyang kailangang bigyan siya ng mas magandang billing at hindi iyong gaya ng dati na parang support lang siya ni Sharon. Humingi rin siya ng equal na talent fee na sinabi niyang hindi niya kukunin subalit dapat ibigay sa anak nilang si KC. 

Medyo naging offensive yata noon kay Sharon ang demands ni Gabby, at hindi rin naman kaya ng producers kaya hindi natuloy ang proyekto. Isa pa ang gagawa sana noon ay Star Cinema ng ABS-CBN, at natural uncomfortable rin si Gabby dahil siya ay artista ng GMA 7.  Kaya rin naman siguro siya nagbigay ng ganoong demands.

Pero noong press conference, mismong kay Sharon na nanggaling na kung gagawa nga sila ng pelikula ngayon, siguro nga dapat mauna sa billing ang pangalan ni Gabby at justified naman siguro kung humingi man iyon ng equal na talent  fee. Pero dahil concert nga ang Dear Heart at siya naman ang mas kilalang singer at hindi si Gabby, siya ang nauna sa billing ngayon.

Inaasahan ngayon pa  lang na ang concert ay magiging isang malaking hit, magse-set iyan ng panibagong trend sa music industry at tiyak makababawi na nang husto si Sharon hindi mas naging maganda ang resulta ng mga pelikulang ginawa niya lately. Magiging malaking boost din iyan para sa pelikulang ginawa niya kasama si Alden Richards, maliban na lang kung isipin ng fans na itabi muna ang kanilang pera para sa reunion movie nina Sharon at Gabby kung sakali. Baka ang reunion movie rin nina Sharon at Gabby ang kailangan para makakawala na ang Viva sa image ng Vivamax.

About Ed de Leon

Check Also

Gary Valenciano

Gary apaw pa rin ang energy sa huling concert

KAYANG-KAYA pa rin ni Gary Valenciano ang mahabang concert na umaapaw pa rin ang energy mula simula …

Paulo Avelino Luis Manzano

Luis bigong mapiga si Paulo sa lovelife

I-FLEXni Jun Nardo WALANG mapipiga kay Paulo Avelino pagdating sa kanyang lovelife. Eh kahit may paandar si Luis …

Juliana Torres Gomez Richard Gomez Lucy Torres

Goma at Lucy suwerte sa isa’t isa, 26 taon nang kasal

HATAWANni Ed de Leon HAPPY 26th anniversary to Congressman Richard Gomez and Mayor Lucy Torres-Gomez. Isipin ninyo, 26 …

Julia Barretto

Julia Barretto hinangaan, nagustuhan ng mga Indonesian

HATAWANni Ed de Leon NAKATUTUWA naman ang nabalitaan namin na tuwang-tuwa raw ang fans kay Julia …

Kathryn Bernardo Daniel Padilla Andrea Brillantes

Daniel ‘di pa man santo marami ng ‘milagro’

HATAWANni Ed de Leon ANG maliwanag lang sa lahat, nagka-split lang sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo nang umamin …