HATAWAN
ni Ed de Leon
NATATANDAAN namin, noong panahong matindi pa ang That’s Entertainment at iyang Viva Films panay pa ang gawa ng musical comedies na ang bida ay mga youngstar, aba eh sikat na sikat si Keempee de Leon. Siya ang hinahabol ng fans noong panahong iyon.
Iyong pictures niya, isa sa pinakamalakas sa bentahan sa bangketa, dahil uso pa noon iyong pictures ng mga artista na binibili sa mga bangketa at iniipon ng fans na akala mo teks.
Natatandaan namin, mayroon kaming isang pictorial noon para sa isang pelikula, first time na nakunan ng picture si Keempee na walang damit pang-itaas. Pinag-agawan iyon at ginawang cover at poster ng mga magazine. Ang sama ng loob niyong mga magazine na hindi nakakuha ng kopya ng picture, dahil bumenta naman talaga ang mga nagkaroon noon at nailagay sa cover.
Pero ewan nga ba kung ano ang nangyari at napabayaan ang career ni Keempee. Natural bumaba ang kanyang popularidad. Dumating siya sa almost zero, wala siyang proyektong ginagawa. Ngayon lang ulit bumabalik si Keempee, pero ang role niya ay hindi na matinee idol kundi isang beki.
Ewan kung makatutulong nga ba iyan para makabawi ang kanyang popularidad, pero naniniwala kami na mas magiging kapaki-pakinabang siya bilang isang actor kung gagawa ng mga proyektong drama o action. Kaya naman niya iyan eh, iyon nga lang, ang mga producer ngayon takot mamuhunan lalo na sa action dahil talagang magastos iyan. Iyon namang drama, ang katuwiran nila, ang dami na sa tv libre pa.
Kaya nga iyong iba, wala nang ginagawa kundi mahahalay na pelikula at sinasamantala habang wala pang nagre-regulate sa video streaming at magagawa pa nila ang lahat ng klase ng kahalayang gusto nila.
Pero nakahihinayang ang mahuhusay na actor na gaya ni Keempee.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com