Monday , December 6 2021
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

‘Tigas titi’

KAHIT noong kasagsagan ng aktibismo sa pagpapatalsik ng mga base militar ng Amerikano sa bansa, hindi nalaman kung may mga nuclear weapon ang mga Amerikano sa Subic Naval Base, Clark Air Base, at iba pang military installation ng Estados Unidos sa bansa. Isa itong ipinagkatago-tagong lihim ng mga Amerikano sa Filipinas. Wala kahit sinong Filipino – aktibista, sundalo, politiko, titser, lider-Simbahan at sino pa man – ang nakatuklas na imbakan noon ang Filipinas ng sandatang nukleyar.

Bakit sasabihin ng Estados Unidos kung may sandatang nukleyar sa kanilang base militar sa bansa? Walang malinaw na dahilan at katwiran. Ngayon, biglang mananakot si Rodrigo Duterte na kanyang tatapusin ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Estados Unidos at China kapag nakakuha siya ng impormasyon na may nuclear weapon na ipinasok ang mga Amerikano saan mang parte ng Filipinas.

Hindi mahirap unawain ang kagagohan ni Duterte sa isyung ito. Paano malalaman ni Duterte kung may sandatang nukleyar sa bansa? Sino ang maysabi sa kanya? Ang mga anito sa Malacañang tulad nina Sal Panelo, Harry Roque, Bong Go, Francisco Duque III, at Mocha Uson na ang tanging alam ay pagtatahi ng mga fake news? Alam kaya ito ni Bato dela Rosa, Debold Sinas, Carlito Galvez, Delfin Lorenzana, at iba pang pulis patola at sundalong kanin sa kanyang gobyerno?

Bistado si Duterte sa pagkiling sa China. Hindi lihim sa Estados Unidos na kampi siya sa Peking. Sa pagpapalit ng foreign policy ng administrasyon ni Joe Biden na bumabalik sa Asya ang Estados Unidos, isa si Rodrigo Duterte sa mga unang tatamaan. Isa si Duterte sa marapat palitan. Hindi hahayaan ng Estados Unidos na mahalal ang isang pro-China na hahalili sa kanya sa 2022.

Wala kina Sara Duterte, ang anak na kasalukuyang alkalde ng Davao City, matapat na alalay na si Bong Go, Bongbong Marcos, o Alan Peter Cayetano ang hahayaan ng Estados Unidos na pumalit kay Duterte. Alam na kakampi sila ng China. Pagsasabihan sila na kung maaari, huwag silang tumakbo sa 2022. Kapag tumanggi, tatapatan sila ng kandidato na manok ng Estados Unidos.

Hungkag ang pananakot ni Duterte. Walang sustansiya at ipinapakita ang kawalan ng katinuan sa pag-iisip. Pagtatawanan siya ng Estados Unidos. Hindi siya sineseryoso sapagkat alam nila na may saltik siya sa utak. Hindi siya katulad ng mga lider ng grupong Muslim sa Gitnang Silangan na pawang itinumba ng Estados Unidos. Katatawanan si Duterte para sa kanila.

Ngunit dahil nangunyapit siya sa pundilyo ni Xi Jinping, maaaring patulan siya para maalis ang mga elementong pro-China sa Filipinas. Maaaring subukan ang ilang doktrinang pandigma na nagawa sa Pentagon. Hindi namin alam kung narinig na ninyo ang doktrinang “surround the city by the sea.”

Huwag magtaka kung santambak na barkong pandigma ang ilagay ng Estados Unidos sa South China Sea. Huwag magtaka kung may mga barkong pandigma ang pumaikot sa isla ng Mindanao at maging sa Celebes Sea. Inilagay sila ng Pentagon upang sigurahin ang malayang paglalayag ng mga sasakyanmg pandagat ng iba’tibang bansa at siguruhin ang malayang kalakalan sa karagatan.

Lampas $5 trilyong kalakal ang dumarsaan taon-taon sa South China Sea at karatig dagat. Labis na nasasakal si Rodrigo Duterte. Nakapaikot ang mga barkong pandigma ng Estados Unidos malapit sa kanyang lugar. Kinamumuhian niya na dumating ang sitwasyon na may mga kawal Amerikano na gagalugad sa Davao City. Mismo sa lugar na nakatira siya.

Hindi malaman ni Duterte kung ano ang gagawin niya. Hindi niya alam kung paano paaalisin ang mga Amerikano. Hindi niya alam kung anong kasunduan o tratado ang kanyang gagamitin upang mapaalis sila. Alam niya na tumutulay siya sa alambre sa kanyang pakikitungo sa mga Amerikano. Alam niya na hindi siya tatantanan ng puwersang Amerikano sapagkat taksil sa bayan ang tingin sa kanya.

Alam ng mga Amerikano na mahina ang hatak niya pagdating sa usapin ng pagkiling sa China. Hindi siya makakukuha ng tagasunod sa sarili niyang bansa. Alam na pabagsak siya at sa totoha­nang labanan, wala siyang maaaring gawin kundi ang tumakbo sa China at humingi ng political asylum.

Huwag seryosohin si Duterte. Ang tawag namin sa kanyang asal sa Tundo ay simple: isa siyang tigas-titi.

BALARAW
ni Ba Ipe

About Ba Ipe

Check Also

PROMDI ni Fernan AngelesI

Talas ng Little Mayor

PROMDIni Fernan Angeles MINSAN pa’y pinatunayang walang panamang tibay ng anumang estruktura kapag pinamahayan ng …

Bulabugin ni Jerry Yap

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Bulabugin ni Jerry Yap

MARAMI na akong nabalitaang uri ng pagpatay, pero hindi ko akalain na sa ganitong panahon …

Bulabugin ni Jerry Yap

Isang alaala ng walang pag-iimbot na pagtulong

ISANG alaala na hindi ko makalilimutan habang ako ay nabubuhay ay nang magkaroon ako ng …

Bulabugin ni Jerry Yap

True friendship lasts forever

MAGANDANG gabi po sa inyong lahat. Una ko pong nakilala si Jerry Yap, sa katotohanang …

Leave a Reply