Roxas: 5 pulis sa rubout sa Maynila timbog na
hataw tabloid
July 20, 2015
News
HABANG abala sa pangangampanya sina Vice President Jejomar Binay, Senador Grace Poe at Francis Escudero para sa 2016 elections, abala naman si DILG Sec. Mar Roxas sa pagtugis sa mga kriminal sa lipunan.
Kahapon ay masayang inianunsiyo ni Roxas na nasakote na ng Philippine National Police ang kanilang mga kabarong pulis na pinaghihinalaang sangkot sa sinabing rubout sa Sampaloc, Maynila.
Nasa kustodiya na ng Manila Police District (MPD) sina Sr. Insp. Rommel Salazar, PO3 Ferdinand Valera, PO1 Rhoel Landrito, PO1 Diomar Landoy at PO1 Ronald Dipacina na ngayon ay humaharap na sa mga kaso tungkol sa pagbaril sa isang tricycle driver na si Robin Villarosa.
Mabuting balita ito para sa pamilya ni Villarosa, pagkatapos personal na tiyakin ni Roxas sa kanila noong Huwebes ang mabilis na pagtugis sa mga suspek.
Sabi ni Roxas sa kanyang Twitter account: “Law applies to all, lalo na kung pulis ka. Bawal ang abusado.”
Ikinatuwa rin ng netizens ang naging mabilis na aksyon ng Kalihim at ng PNP sa kaso, na pinuri ang mabilis na aksyon nito.
Samantala, pinuri ni Roxas ang mga operatiba ng PNP na nagtrabaho sa kaso.
“Nagpapasalamat ako sa mga miyembro ng PNP na nagsumikap para sa agarang pagresolba at para ipakita sa publiko na ang batas ay para sa lahat,” aniya. “Hindi exempted ang mga kabaro nila rito.”
Umaasa ang Kalihim na ang agarang aksiyon sa kaso ay magiging mensahe na “lahat ay pantay sa ilalim ng batas, maging ordinaryong tao, politiko man o pulis.”