HATAWAN
ni Ed de Leon
SA hangad na makapagbigay ng kasiyahan, natuluyan. Ganyan ang nangyari sa singer na si Jovit Baldivino. Alam naman niya ang kanyang sitwasyon. Isang linggo na palang taas-baba ang kanyang blood pressure. Pinagbawalan na siyang magpagod, kahit na kumanta. Pero nang makumbida siya sa isang event ng isang kaibigan, nahilingan siyang kumanta. Matapos ang isa at walang tigil sa palakpakan, napilitan siyang kumanta hindi lang ng isa kundi dalawa pa.
Pagkatapos niyon muli siyang na-stroke. Umupo na lang, sumama na raw ang tabas ng mukha at tumutulo na ang laway, kaya siya isinugod sa isang ospital, at doon lumitaw na mayroon siyang aneurysm. Naayos naman iyon pero nanatili siyang comatose, hanggang sa bawian siya ng buhay matapos ang limang araw.
Malungkot na napakabata siyang pumanaw, pero sinasabi nga nila, mabait na bata si Jovit at siguro nga niloob na ng Diyos na siya ay bigyan na ng kapahingahan kaysa maghirap pa. Kung minsan kasi, tayo ayaw nating mawalay ang mga mahal natin sa buhay. Pero hindi natin naiisip na mas mabuti na ngang mawalay sila pansamantala nang hindi naman sila nahihirapan na, at hindi rin naman nahihirapan ang mga mag-aalaga sa kanya.
Nakahihinayang talagang nawalan na naman tayo ng isang napakahusay na alagad ng sining, pero iyon ang kalooban ng Diyos kaya ano nga ba ang magagawa natin?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com