NAGING tampok ang mahigit 500 kabataan mula sa tatlong paaralan sa Tagaytay City sa pagdiriwang ng Olympic Day ng Philippine Olympic Committee (POC) nitong Martes sa Tagaytay CT Velodrome.
Sa pangunguna ni POC president na si Abraham Tolentino, nakilahok ang mga mag-aaral sa iba’t ibang sports clinics kabilang ang boxing, basketball, football, baseball, taekwondo at wrestling na pinangasiwaan ng mga opisyal at coach ng mga national sports association.
“Itong araw ay napakahalaga sa Olympic Movement dahil ginugunita natin ang pagkakatatag ng Olympism at ng Olympic Games noong 1894,” ani Tolentino. “Araw ito ng kasiyahan at palakasan habang nakikiisa tayo sa buong mundo sa pagdiriwang ng Olympic Day.”
Ayon kay Tolentino, may dalawang layunin ang programa—hikayatin ang mga kabataan na maging aktibo at malayo sa labis na paggamit ng gadgets, at makatuklas ng mga bagong talento na maaaring magbigay ng karagdagang karangalan at gintong medalya para sa bansa sa hinaharap.
Nakiisa rin sa mga sports clinic sina Tokyo Olympics boxing silver medalist na si Carlo Paalam, Paris 2024 bronze medalist na si Aira Villegas at Gilas Pilipinas legend na si Larry Fonacier bilang mga tagapagsanay.
Dumalo rin sa pagdiriwang ang mga pangulo ng iba’t ibang national sports associations na sina Marcus Manalo (boxing), Ali Sulit (wrestling), Ricky Lim (karatedo), Atty. Wharton Chan (billiards), Alvin Aguilar (wrestling), vice president Manny de Castro (baseball) at secretary-general Rocky Samson (taekwondo)
Nagpadala ang Maharlika Elementary School ng 207 mag-aaral, habang 131 naman mula sa Mendez Crossing Elementary School at 175 mula sa Carlos S. Batino Sr. Memorial Elementary School ang nakilahok sa selebrasyon.
Taun-taong ipinagdiriwang ng International Olympic Committee ang Olympic Day tuwing Hunyo 23, isang tradisyong nagsimula noong 1948 upang bigyang-pugay ang mga pagpapahalaga at adhikain ng Olympic Movement sa buong mundo. (POC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com