HATAWAN
ni Ed de Leon
MAKIKIPAGKITA at handang makipagtulungan ang aktres na si Yasmien Kurdi sa DepEd na pinamumunuan ni Secretary Sonny Angara sa gagawin niyong pagkilos laban sa pambu-bully sa mga bata sa mga eskuwelahan.
Kamakailan ang anak ni Yasmien na si Asyesha ay naging biktima ng bully sa eskuwelahan.
Hindi raw makasagot si Ayesha sa mga kaklaase niya kung ano ang definite na gagawin sa kanilang planong Christmas party. Hindi naman maka-desisyon iyon ng wala ang ina. Pinagtulungan daw ng mga kaklase si Ayesha para hindi makalabas ng room at hindi makakain ng recess. Tapos inulit pa nila iyon ng lunch time. Hindi nakakain si Ayesha maghapon at walang nagwa kundi umiyak na lang dahil natatakot ding baka saktan pa siya ng mga kaklase.
Nang magtangka naman daw magsumbong sa eskuwelahan, sinabihan si Yasmien ng magulang ng isa sa mga nam-bully na huwag nang makialam dahil baka mas malala pa ang mangyari.
Hindi nakapagpigil si Yasmien at ipinost iyon sa social media at nakatawag iyon sa pansin ng mga netizen at ng lehitimong media kaya nakarating kay Sec Angara na ngayon ay gustong maimbestigahan ang talagang nangyari at makagawa ng mga hakbang para hindi na maulit ang mga pambu-bully sa eskuwelahan.