PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
TAMA naman ang mga observation-opinion ni Atty. Ferdie Topacio tungkol sa Metro Manila Film Festival na pinamumunuan ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority).
Sa mahabang litanya ng kontrobersiyal na abogado habang ipinu-promote ang Spring in Prague movie under his Borracho Films, tinuran nitong nasa maling ahensya yata ang taunang MMFF.
“Dapat talaga ay ilagay at ibigay iyan sa mga taong may alam sa pelikula. ‘Yung mga taong may malasakit na magbigay ng de-kalidad na movies na soon ay magiging bahagi ng ating heritage sa culture and arts. ‘Yung kayang makipagsabayan globally. ‘Yung hindi puro income o pagkita ang nasa priority,” sunod-sunod nitong litanya habang ipinaliliwanag kung bakit nagpu-prodyus pa rin siya ng movie kahit hindi kumikita.
“Marahil ay grabe lang talaga ang passion ko sa paggawa ng movies dahil since noong bata pa ako ay sobra na akong na-attach sa movies natin. Marami namang platforms ngayon na unti-unti nagbibigay pag-asa sa atin para makabawi kahit paano, pero sana nandiyan pa rin ‘yung malawak na pag-patronage ng audience sa panonood sa mga sinehan,” dagdag pa nito.
Almost three years in the making ang inabot ng Spring in Prague na pinagbibidahan ni Paolo Gumabao, with Russian actress Elena Kozlova at Sara Sandeva.
Although love story ang tema ng movie, tadtad daw ito ng symbolisms ayon pa kay Atty. Topacio lalo na sa usaping history, politics at naging struggle ng mga bansa sa Central Europe lalo na ng Czech Republic.
Sa panulat ni Eric Ramos at idinirehe ni Lester Dimaranan, showing na ang Spring in Prague sa February 4.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com