HABANG kinatatakutan ng marami ang anti-terrorism bill, sinabi ni Senador Panfilo Lacson, ito ay maituturing na isa sa ‘pinakamabait’ na batas laban sa terorismo sa oras na ito’y maisabatas.
Sa rami ng safeguards na nakapaloob sa panukala laban sa pag-abuso ng mga awtoridad, naniniwala si Senator Ping na grantisado ito.
Ayon kay Lacson, kabilang sa mga pangunahing proteksiyon laban sa pang-aabuso ang probisyong oobligahin ang nakadakip sa pinagsususpetsahang terorista na ireport sa pinakamalapit na korte, Anti-Terrorism Council, at Commission on Human Rights (CHR).
Sakaling lagdaan, ito umano ang bukod tanging batas na kailangang i-report sa CHR ang inarestong pinaghihinalaang kriminal.
Kabilang sa safeguards ang 10-taong kulong at habambuhay na diskalipikasyon sa anomang posisyon sa gobyerno ng law enforcer na nagkamali sa pag-aresto ng pinaghihinalaang terorista.
Aniya, ‘pag ‘di natagpuan ang arresting officer, ang superior nito ang mananagot.
Binigyag diin ni Lacson na mayroong due process o daraan naman sa korte ang pagtukoy kung ang tao o grupo ay terorista at ang korte rin ang mag-uutos kung darakpin ang suspect, taliwas sa kumakalat na maling impormasyon na ang lilikhaing ATC ang tutukoy sa mga itinuturing na terorista. (NIÑO ACLAN)