MATAPOS aminin na gumagamit siya ng marijuana upang manatiling gising sa nakaraang regional conference, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang kanyang ‘admission’ ay biro lamang.
“Plastic ang gamit ko. Plastic na marijuana,” pahayag ni Duterte sa mga mamamahayag.
Nang itanong kung siya ay nagbibiro lamang sa kanyang pag-amin sa paggamit ng marijuana, sinabi ni Duterte: “Of course, kayong media (talaga).”
Tinukoy ng pangulo ang kanyang pahayag sa conferment of awards sa mga opisyal ng Asean National Organizing Council sa Malacañang, na siya ay gumagamit ng marijuana upang manatiling gising sa gitna ng kanyang hectic schedule.
Paliwanag ni Duterte, kilala sa pagsasabi ng mga kontrobersiyal na pahayag, nais lamang niyang magpatawa sa gitna ng seryosong talakayan.
“I just want to shake the tree in a middle of a speech kasi boring ‘pag wala. Ako naman mapagpatawa talaga ako kasi boring kapag walang ano,” aniya.
“It was a joke, of course it was a joke. Pero nobody could stop me from just doing my style. Minsan sabi ninyo misogynist ako kasi magbiro ako ng gano’n, that’s my style it’s too late to change. If I want to joke, I will joke,” dagdag niya.
Nauna rito inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na gumagamit siya ng marijuana upang manatiling aktibo sa nakapapagod na pakikipagpulong sa mga lider ng ibang mga bansa.
“It’s a killing activity. And I think… my age, ako, hindi masyado, kasi nagma-marijuana ako e para magising [me, not much because I use marijuana to keep awake],” ani Duterte nitong Lunes sa ginanap na “conferment of awards” sa mga opisyal at personnel ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) National Organizing Council.
Hindi malinaw noong una kung siya ay nagbibiro o hindi. Ngunit maririnig na nagtawanan ang mga tao nang sabihin ni Duterte na gumagamit siya ng marijuana.
Idinaraing ni Duterte ang mahigpit na schedules sa nakaraang mga pagpupulong, katulad ng kanyang pagbisita sa Thailand, India at Papua New Guinea.
“Hindi talaga kaya, no’ng ako rito. I just never, I remember I just came in from nowhere, then kinabukasan umpisa na. I think I was in India. Susmaryosep, walang tulog. And the more the crescendo becomes faster, mas lalong hindi ka nakakatulog kasi nga hinahabol ka ng babasahin,” pahayag ni Duterte.
Ayon kay Duterte, tanging ang mahahalaga at “most urgent, most immediate” ang dapat talakayin sa summits, habang ang ibang bagay ay dapat iwanan na lamang sa technical working group o sa “lower echelons.”
Ang pangulo ay kilala sa kanyang matigas na paninindigan laban sa droga at naglunsad ng madugong giyera laban dito, nagresulta sa pagkamatay nang halos 5,000 drug suspect kaya binatikos siya ng human rights group.
Noong Mayo, sinabi ni noo’y Presidential Spokesperson Harry Roque, na si Duterte ay tutol sa legalisasyon ng medical marijuana.
Ang pag-iingat at paggamit ng marijuana ay ilegal sa Filipinas at maaaring makulong nang habambuhay at papatawan ng P10 milyong multa.
HATAW News Team